Tinuluyan ni Mon Confiado na sampahan ng reklamong cybercrime ang isang content creator na si "Ileiad," dahil sa post nito na "copypasta," o kuwento tungkol sa aktor na hindi naman totoong nangyari. Ani Mon, magsilbing aral din umano sa iba ang kaniyang ginawa.
Sa Facebook, ibinahagi ni Mon ang larawan habang nasa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division siya. Tinawag din niya ang pansin ni "Ileiad," na kaniya ring ilagay ang tunay na pangalan.
"Gusto kong ipaalam sa iyo na ang inihain kong kaso sa NBI ay hindi joke. Ito ay totoo. Seseryohin natin ito para maging aral sa ating lahat. I'm looking forward to personally meet you in court.... God Speed," saad ni Mon.
"Nawa'y maging aral sa iyo ito at sa ating lahat. Na ang paggamit ng pangalan at larawan ng walang pahintulot ay krimen. Na hindi lahat ng jokes ay nakakatawa at hindi lahat ng jokes ay para sa lahat. Dapat sana ang joke ay nakakapagpasaya at hindi nakakasira ng tao," sabi pa ng aktor.
Mayroong 21,000 followers si Ileiad sa Facebook na nagpo-post ng mga "copypasta" o base sa meme.
Hindi nagustuhan ni Mon ang naturang post ni Ileiad na pinalabas siyang suplado at hindi nagbayad ng ilang choco bars sa grocery, na hindi naman daw nangyari.
"Gumawa ng story using my name & my photo… na-meet daw niya ako sa grocery at magpapa-picture daw siya pero dinuro-duro ko daw siya sa mukha at nakita niya na hindi ko binayaran ang 15 Milky Way Choco Bars na kinuha ko… at pinagsisigawan ko daw ang cashier ng grocery. Pinapalabas pa nito na magnanakaw ako," pahayag ni Mon.
"Joke pero nakakasira ng tao? Bakit ka magjo-joke sakin? Close ba tayo? Parang sobra na itong mga ito ah at para makakuha lang ng mga likes kahit makasagasa sila ng tao. Tapos sasabihin joke," patuloy pa niya.
Dahil umano sa post, marami ang nagpadala sa kaniya ng mensahe para alamin kung totoo ang kuwento sa post.
"Ang daming nag-message sa akin at tinatanong kung totoo ba ito? Of course, sabi ko hindi 'yan totoo. Never happened. At hindi ako ganung tao," patuloy niya.
Sa screenshot ng kanilang chat conversation online, humingi ng paumanhin si Ileiad kay Mon, pero hindi kombinsido ang aktor.
"It's not my intention to tarnish your image in anyway. Like what they said in the comments, it's a joke, although I do agree with you that not everyone will understand it," anang content creator.
Inalis na niya ang post at naglabas ng pahayag.
"My deepest and sincerest apologies to critically-acclaimed actor Mon Confiado. As requested, I have taken down the vile and misleading post off the page and I will only be making copypastas about myself from now on," saad niya. "And as penance, I will be eating only Filipino-branded cornballs for lunch and perhaps even for dinner."
Pero ayon kay Mon, nalagay sa alanganin ang kaniyang trabaho dahil sa naturang post.
"Uulitin ko, ako ay nananahimik at ginulo mo. Pero nung nag-comment ako sa post mo at sa messenger mo, sinabihan mo pa ako ng 'is this a threat?' Hindi mo pa din ito tinanggal hanggang kinabukasan ng gabi," pahayag ni Mon.
"Oo. Nag-public apology ka kunwari later on pero sarcastic at hindi sincere. At wala ni katiting na pagsisisi at proud ka pa sa ginawa mo. At ginagawa n'yo pa akong katatawanan ng mga followers mo. At ngayon ikaw na ang biktima at ako na ang masama," patuloy niya.
Hindi na makita ngayon ang page ni Ileiad sa Facebook. Sinusubukan pa na makuhanan siya ng pahayag kaugnay sa isinampang reklamo laban sa kaniya ni Mon.--FRJ, GMA Integrated News