Nagbalik na sa "Unang Hirit" si Arnold Clavio matapos makaranas ng hemorrhagic stroke noong June 11.
Ibinahagi ni Arnold sa kaniyang UH barkada na sina Lyn Ching-Pascual, Shaira Diaz, Ivan Mayrina, Susan Enriquez, at Anjo Pertierra, ang update sa kaniyang kalusugan.
"Tuloy-tuloy 'yung ating rehabilitation," saad niya. "Wala pang balanse, may takot pa sa tayuan nang matagal, baka bumagsak."
Nasa 80% hanggang 90% umano ang recovery sa kanang bahagi ng kaniyang katawan. Sumasailalim siya sa occupational therapy para mabawi ang lakas ng kaniyang kanang braso.
Sa kaniyang naranasan na itinuturing niyang pangalawang buhay na niya ngayon, inihayag ni Arnold na nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang pananaw at totoo ang kasabihan na life is short at wealth is health.
"Maiiba 'yung pananaw mo sa pagpapatawad, pagmamahal," dagdag niya. "Ang lahat ng makikita mo puro kabutihan ng kapwa," he said.
Nagpasalamat din si Arnold sa lahat ng nagdasal sa kaniyang paggaling.—FRJ, GMA Integrated News