Hindi nakaligtas sa baha ang bahay ng chef at food content creator na si Ninong Ry sa Malabon dahil sa walang tigil na pag-ulan na dulot ng bagyong "Carina."
Sa kaniyang social media post, ibinahagi ni Ninong Ry ang hitsura ng loob ng kaniyang bahay na pinasok ng tubig. Sa kabila nito, nagawa pa rin naman niyang magbiro.
"Balita ko di na kayo binahaba sa Malabon ah? Kami na tiga Malabon," saad sa caption ni Ninong Ry sa post niya sa Facebook.
Sa Instagram, na-post din si Ninong Ry ng Reel na makikitang inililipat niya ang kaniyang motorsiklo sa mas mataas na lugar, bahang nakasuot siya ng pajama.
“Carwash lang, medyo madumi eh,” saad ni Ninong Ry, na nagbiro pa ng underwash dahil gusto raw niya na “malinis na malinis.”
Biro ni Ninong Ry, may bago siyang negosyo na Boy Baha Underwash Cleaning Services.
“Mineral water ‘yung ginamit namin dun sa cleaning pool namin kaya maganda talaga,” ayon sa vlooger. “Kaya sa lahat ng interesado, click niyo nalang ‘yung mukha ko, baka may lumabas.”
Dahil sa tumataas pa raw ang baha, sinabi ni Ninong Ry na sa isa pang Reel na kailangan nilang ayusin ang kanilang computer wires para na rin sa kaligtasan.
Nagbiro pa rin ang vlogger na nababasa na ang kaniyang pribadong parte ng katawan dahil sa baha habang nakasuot pa rin ng pajama.
Dahil sa pag-ulan na dulot ng bagyong Carina at habagat, ilang bahagi ng Metro Manila ang lubog sa baha, kabilang ang Quezon City, Marikina, at Pasay, ganoon din mga karatig na lalawigan.
Noong nakaraang buwan, nasira ang isang floodgate na konektado sa Navotas at Malabon, at inaasahan na sa Agosto pa ito masisimulang ayusin. — FRJ, GMA Integrated News