Inilahad ni Kylie Padilla ang hirap na kaniyang pinagdaanan nang maghiwalay sila noon ni Aljur Abrenica. Ang aktres, inihayag din ang kanilang co-parenting set-up ng dating mister.

“I lost myself talaga. Actually, I didn't even know I lost myself. Kasi pinaglalaban ko ‘yung kailangan maging matibay ako para sa mga anak ko,” sabi ni Kylie sa “Fast Talk with Boy Abunda” nang mapag-usapan ang tungkol kay Aljur.

“But then when I look back, I was so full of anxiety. Hindi ko kilala ‘yung sarili ko. I wasn't sure,” pagpapatuloy ni Kylie.

Ayon sa kaniya, higit pa sa galit ang kaniyang naramdaman nang pinagdadaanan noon ang kanilang paghihiwalay noong 2021.

“Rage? Yeah. Not anger. Rage. Na hindi ko alam paano ko ilalabas. And I was looking for projects where I could.”

Sinabi ni Kylie na nagsilbi niyang “therapy” ang kaniyang mga proyekto para muli niyang mahanap ang kaniyang sarili.

Sa kabila ng nangyari sa kanila, may komunikasyon pa rin sina Kylie at Aljur, at co-parenting sila sa kanilang mga anak na sina Alas Joaquin at Axl Romeo.

“Yes, we co-parent,” anang Kapuso actress. “Madalas. Like, every time na kukunin niya ‘yung mga bata, we talk.”

Isa sa mga pinag-uusapan nina Kylie at Aljur ang pagdesiplina pagdating sa kanilang mga anak.

“If may bagong ugali ‘yung mga anak namin na kailangan, tingin ko kailangan niyang sabihan or to guide them, sasabihin ko. And then same with him. Parang may napansin daw siya na, tapos ganu’n din ako. So batuhan lang kami in a way,” kuwento niya. “So we're trying to make it as consistent as possible.”

Sa nasabing panayam, inihayag ni Kylie na may bago na siyang karelasyon na hindi taga-showbiz.
Matatandaan na inamin ni Aljur noon na nagtaksil siya sa relasyon nila ni Kylie kaya nasira ang kanilang relasyon bilang mag-asawa.

"Yeah, totoo naman, totoo naman 'yon. On my part, oo. Ina-admit ko 'yon, may pagkakamali ako," anang aktor.

Pero ginawa raw niya ang lahat para maisalba ang kanilang relasyon.

"Mare-realize mo na I have to accept kasi hindi na talaga. Kasi ginawa ko na lahat. At siya rin, ginawa niya rin lahat in fairness," dagdag ni Aljur.

Sinabi rin ni Aljur na dalawa sila ni Kylie na nagdesisyon na maghiwalay na lang.--FRJ, GMA Integrated News