Napaisip ng netizens kung may problemang kinakaharap sa pagsasama ng mag-asawang Priscilla Meirelles at John Estrada dahil sa palaisipang komento ng dating beauty sa Instagram post ng aktor na: "Looking very divorced"

Sa IG post ni John, makikita ang kaniyang larawan na tila nasa isang hotel.

Dito nagkomento si Pricilla ng, "Looking very divorced, Mr. Estrada"

Inalis na ng aktor ang comments section pero may mga netizen na nakapag-screenshot ng komento ng Miss Earth 2004.

Binanggit din ni Priscilla ang username ng isang babae nang magtanong ang isang netizen kung sino ang kasama ng aktor sa Boracay.

Sa isang panayam sa "Fast Talk With Boy Abunda," ibinahagi ni Priscilla ang kalagayan ng relasyon nila ni John at mga isyu na kinaharap nila bilang mag-asawa.

"Ang situation right now of course we're married pa rin and we're laughing yesterday and we're having a great time. But I'm not gonna take anything that I already took up to this point," saad niya.

"So alam niya nasa limit na ko. So whatever happens from this point on it's on him. I've done my part," dagdag niya.

Taong 2011 nang magpakasal sina John at Priscilla. Mayroon silang isang anak na babae na isinilang isang taon matapos silang magpakasal. —FRJ, GMA Integrated News