Binubuo ng mga natatangi nilang ganda at talento, inilahad ng Kapuso girl group na XOXO na sinusubukan nilang humiwalay sa standard ng mga P-pop o K-pop groups.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ang XOXO members na sina Riel, Lyra, Dani at Mel kung ano ang “best thing” tungkol sa kanilang grupo.
“Each of us has our own strengths po, pero kapag magkasama kami, combined kaming apat, we become so much powerful,” sabi ni Dani.
“My strength, I give flavor, I give character to the group. So as you can see, iba-iba kami ng hitsura. Ako ang representation ng group na ito for all the people of color. I am here for all the plus sized, I am here for the mid sized,” sabi naman ni Riel.
“And also, we are breaking the norms or the standard of P-pop or K-pop group na kailangan very ano ka, ganito, ganiyan. So ipinapakita namin na we are here to showcase our talent, to make new people happy or inspired by our representations, different tones of voice, texture na puwedeng mag-isang group like XOXO,” pagdugtong ni Lyra.
“Ako po ang bahala sa high parts ng song. Tsaka Tito Boy ako po ‘yung gumagawa ng harmonies namin sa covers,” pagpapatuloy ni Dani.
“Ako rin, may high parts din po ako. Pero kapag paos si Dani, ako muna ang sasalo sa kaniya,” biro ni Mel. “‘Yung sa sakin naman po, medyo matinis, manipis ‘yung high naman ng boses ko.”
Bago nito, naging contestant sina Riel, Lyra, Dani at Mel ng first season ng Kapuso reality talent competition show na “The Clash” noong 2018.
Inilahad ni Riel kung paano nabago ng kanilang grupo ang kanilang mga buhay bilang mga indibiduwal.
“Lahat naman, kami ‘yung talunan sa singing contest na sinalihan namin. But because of GMA Network, binigyan nila kami ng opportunity to be in a girl group. Akala namin doon na magtatapos ang journey namin as singers. But here we are six years after. Nandito pa rin kami,” sabi ni Riel.
“We’re not there yet, we’re not super sikat, we’re getting there. We’re working on it,” dagdag ni Riel.
Ilan sa kanilang mga single ang “XOXO,” “My Miracle” at “GLNG (Go Lang Ng Go).” —VBL, GMA Integrated News