Sinagot ni Yassi Pressman ang isang netizen na nagtanong kung hiwalay na ba sila ng kaniyang nobyo na si Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte.

“Break na kau ni Governor?” tanong ng netizen sa comments section sa isang post ng Kapuso actress na kasama ang South Korean actor Kim Ji Soo.

“Haha never,” tugon ni Yassi sa follower na may kasamang heart hands emoji.

 

 

Inanunsyo ni Yassi ang relasyon niya sa politiko nito lang nakaraang Pebrero, at nagbahagi ng kanilang mga sweet moment sa social media post.

Sa pagsisimula ng 2024, namasyal ang dalawa sa Vietnam.

Kasalukuyang ginagampanan ni Yassi ang karakter ni “Bane” sa Black Rider, na love interest ni Elias, na ginagampanan naman ni Ruru Madrid.

Samantala, ipinakilala na sa Black Rider series ang karakter ng Kim Ji Soo, bilang isang Filipino-Korean assassin na si Adrian Park.
 
Ang karakter ni Ji Soo ang magtuturo kay Bane kung paano gumamit ng baril.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News