Nagbigay ng update si “Igan” Arnold Clavio sa isinasagawa niyang rehabilitasyon matapos makaranas ng hemorrhagic stroke. Nais niyang ibahagi ang nangyari sa kaniya para mabigyan din ng sapat na impormasyon ang iba pagdating sa pangangalaga sa kalusugan.
“‘Yung right side ng body ko, nawala ‘yung connection sa pumutok na part ng brain ko. Kailangang mag-communicate sila, ‘yun ang part ng therapy,” sabi ni Arnold sa panayam sa kaniya sa Unang Hirit nitong Biyernes.
“Ngayon, may numbness pa siya tsaka weakness. So wala pa akong balanse, para pa akong sanggol na naglalakad,” dagdag niya.
Nagpakita si Igan ng isang tungkod, na biniro niyang kaniyang “best friend” o kaagapay sa therapy.
Inilarawan ni Arnold na "marami pang humps' o lubak sa kaniyang road to recovery.
Inakala raw ni Arnold na ikamamatay na niya noon ang naranasang hemorrhagic stroke.
“Ang ginawa ko nag-Google ako, which is mali. Ginoogle ko ‘hemorrhagic stroke.’ Ang nakalagay doon, two days to live na lang ako, dalawang araw,” kuwento niya.
“Tinawag ko my wife. Sabi ko ‘Ma, mag-ready ka na.’ ‘Bakit?’ ‘Dalawang araw na lang ako.’ ‘Sino nagsabi sa ‘yo?’ ‘Google.’ ‘Ano ka ba, tanggalin mo nga ‘yung Google,’” kuwento niya.
Sa kabila nito, inilahad ng Kapuso broadcast journalist na nakahanda na siya ano man ang mangyari.
“Pero that moment, na-experience ko na ‘yung miracle. I’m ready. Talagang at peace ako, walang fear of death. Para bang dumating pa sa point na, 'Ano ‘to? Ba't nandito pa rin ako?' Kasi iba 'yung naramdaman ko at that moment, na alam mong konting panahon ka na lang, kasi 'yun ang pumasok sa isip ko,” sabi ni Igan.
“Parang nag-flashback lahat sa ‘yo sa buhay mo, and sabi ko, mukhang nagawa ko na naman lahat. Wala na kong mahihiling pa. I'm ready to go,” dagdag pa niya.
Ngunit ayon kay Arnold, naramdaman niya ang pagmamahal ng Panginoon nang banggitin sa kaniya ng mga doktor na masuwerte siyang hindi na-deform ang kaniyang mukha, o hindi nabulol o nawala ang kaniyang boses, na nararanasan ng ibang stroke patient.
"Sabi ko nga, kinalabit lang ako [ni Lord]," saad niya.
"Wake up call, not for me, para sa lahat na, sabi ko nga, if you're feeling okay, does not mean you're okay," sabi pa ni Arnold.
Sa kabila ng nangyari sa kaniya, sinabi ni Arnold na gusto niyang manatiling masaya ang kaniyang mga mahal at malalapit sa buhay.
“Ayokong idamay kayo. Gusto kong makita niyong masaya ako. Masaya kayo, masaya na rin ako. Ingat po tayo,” ayon sa Kapuso broadcaster.
Naranasan ni Arnold ang health scare noong Hunyo 11, habang nagmamaneho ng sasakyan.
Papauwi na siya galing sa paglalaro ng golf nang may kakaiba siyang naramdaman sa kanang bahagi ng kaniyang katawan na "matinding pamamanhid sa kanang braso at binti."
Matapos pumunta sa pinakamalapit na ospital, na-diagnosed siya ng hemorrhagic stroke at inilipat sa St. Lukes.
Matapos ang ilang araw, ibinalita niyang ligtas na siya mula sa panganib, at sumasailalim sa physical therapy--FRJ, GMA Integrated News