Sa mga naging ex-girlfriend ng kaniyang mister na si Gary Estrada, inamin ni Bernadette Allyson na kay Donita Rose siya nagselos.
BASAHIN: Gary Estrada, nanatiling kaibigan ang dating karelasyon na si Cheska Diaz
Sa panayam ni Carmina Villaroel sa programang "Sarap 'Di Ba?," sinabi ni Bernadette na naging bukas noon sa publiko ang relasyon nina Gary at Donita.
Nang panahon na magkatrabaho pa lang sila ni Gary at hindi pa magkarelasyon, sinabi ni Bernadette na naglalabas noon ng mga problema ang aktor sa kaniyang ina.
Kaya naman alam daw ni Bernadette kung gaano kalalim ang naging relasyon nina Gary at Donita.
Sa isang bahagi ng panayam, sinabi ni Gary na tumagal ng siyam na tao ang "on and off" na relasyon nila ni Donita.
Sabi pa ng aktor, sa kaniyang mga naging kasintahan, sina Bernadette at Donita lang ang kaniyang binalikan, bagay na ikinagulat ni Carmina kung papaano nagkahiwalay noon sina Brnadette at Gary.
Kuwento ni Bernadette, 10 buwan pa lang ang relasyon nila ni Gary nang mag-break sila dahil sa pagiging busy sa trabaho.
"Naghiwalay kami, 10 months together and then after 10 months we broke up, ewan ko, Christmas of that year. Parang nagkaka-falling out of love, busy sa trabaho, pareho kaming busy tapos hindi ko alam," pagbahagi ng aktres.
Sa loob ng isang taon na magkahiwalay sila, sinabi ni Bernadette na wala siyang naging nobyo pero nakikipag-date siya. Si Gary naman, nagkaroon ng ibang karelasyon.
Pero pagkaraan ng isang taon, muli umanong nagparamdam sa kaniya si Gary at gustong makipagbalikan. Gayunman, tumanggi umano siya na makipagrelasyon sa aktor bagaman aminado siyang may gusto pa rin siya kay Gary.
"2001 noong bumalik siya parang gusto niya makipag-girlfriend boyfriend ulit, Valentine's. Sabi ko no ayaw ko pa, kasi nag-e-enjoy na ako ng dating dating (date). Pero I still have feelings for him kasi bumabalik siya, ine-entertain ko pa," kuwento ni Bernadette.
Pagkaraan umano ng isang buwan mula nang muli silang maging "magkaibigan" ni Gary, bigla siyang inalok ng kasal, na kaniya namang tinanggap.
"Sa kasal nag-yes pero sa girlfriend-boyfriend nag-no," natatawang sabi ni Bernadette.
Pagkaraan ng tatlong buwan, nagpakasal na ang dalawa noong June 16, 2001. Mayroon silang tatlong anak na babae na sina Garielle Bernice, Garianna Beatrice, at Gianna Bettina.
Pero sino kaya ang kaibigang aktres ni Donita na naging "malapit" din noon kay Gary, at sino ang aktor na binasted naman ni Bernadette? Panoorin ang buong panayam sa mag-asawa.--FRJ, GMA Integrated News