Labis ang pasasalamat ni Dingdong Dantes sa kaniyang inang si Angeline Gonzalez Dantes, na ipinakita sa kaniya ang kahulugan ng empathy o pagmamalasakit. Ang abilidad na ito, nakita niya rin sa asawang si Marian Rivera.
“Malaking factor ‘yung pag-unawa ko kung ano ang ibig sabihin ng empathy dahil sa aking ina, dahil ‘yun ang nakita ko talaga sa kaniya while growing up. ‘Yun ang ipinaramdam at ipinaranas niya sa akin,” sabi ni Dingdong sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Kalaunan, nakita niya rin ito kay Marian nang magkaroon na sila ng mga anak.
“‘Yun din ang nakita ko kay Marian noong siya naman ay naging ina. Mas na-validate talaga ‘yung ginagawa ng nanay ko sa akin. Mas nagkaroon ako ng deeper respect, admiration and understanding of how mothers really do it, dahil nakita ko firsthand kay Marian,” anang Kapuso Primetime King.
Dahil dito, mas pinahahalagahan pa ni Dingdong ang kaniyang ina at si Marian bilang mga ilaw ng tahanan.
“Kaya ang role ko is to really appreciate them every day, to celebrate them every day. I want to celebrate my wife, my mom, my wife as a mother every day. Make sure that I’m there to support her, provide for her and just appreciate her every day.”
Ikinasal sina Dingdong at Marian noong 2014. Mayroon silang dalawang anak na sina Zia at Sixto.
Ipagdiriwang ang Mother’s Day sa Linggo, Mayo 12. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News