Gaya ng ibang netizens at celebrity, inilahad din ng Kapuso star na si Pokwang ang kaniyang pananaw tungkol sa usapin kung responsibilidad ba ng anak na tulungan ang kanilang magulang kapag matanda na.
Para kay Pokwang, hindi reponsibilidad ng anak na tulungan ang kaniyang mga magulang kung matatanda na ang mga ito.
BASAHIN: Pagsuporta ng anak sa nagkaka-edad na magulang, dapat bang kusang-loob o gawing obligasyon?
Sa kaniyang Instagram stories, sinimulan ni Pokwang ang tanong ng: “Responsibilidad ba ng anak na tulungan ang kanilang magulang kapag sila ay matanda na?”
“Para sakin, NO! Basta ayusin lang nila buhay nila at itaguyod ang mga anak nila nang maayos, masaya na ako,” paliwanag niya na may kasamang heart emoji.
Mayroong dalawang anak na babae si Pokwang na sina Ria Mae at Malia.
Si Ria Mae ay anak ni Pokwang sa dating karelasyon, si Malia ay anak ng aktres sa kaniyang ex-partner na si Lee O’Brian, na ipina-deport na palabas ng bansa kamakailan.
Naging mainit na talakayan sa social media tungkol sa pagsuporta ng anak sa magulang dahil sa naging komento ni Dani Barretto sa isang podcast, na dapat kusa o boluntaryo at hindi dapat gawing obligasyon sa mga anak na suportahan ng kanilang mga magulang. --FRJ, GMA Integrated News