Naging emosyonal si Angelica Panganiban habang binabasa ang wedding vows para sa kaniyang mister na si Gregg Homan, sa ikalawang kasal nila na ginanap sa Siargao.

Sa Instagram video na ipinost ng The Aivee Clinic, binalikan ni Angelica ang panahon na ilang beses siyang nasaktan nang dahil sa pag-ibig pero hindi siya nawalan ng pag-asa na darating din ang tamang lalaki na para sa kaniya sa tamang panahon.

“Ilang beses din akong nadapa, nasaktan, umiyak. Pero ni minsan, hindi ako sumuko sa pag-ibig. Alam kong darating din ang panahon na ibibigay din sa akin ng Bathala ang karapat dapat. At dumating ang araw na hindi ko malilimutan—dumating ka,” umiiyak na sabi ni Angelica kay Gregg.

“Ikaw ang naging sagot sa lahat ng bakit ko noon. Dahil sa ‘yo, naging sapat ako,” patuloy niya.

Sinabi rin ni Angelica kay Gregg na ang anak nilang si Amila Sabine o baby Bean, ang nagturo sa kaniya kung papaano magmahal nang walang kondisyon.

“Salamat dahil hindi lang ikaw ang dumating. Dumating ang isang tao na hihigitan pa ang kapasidad kong magmahal nang dumating si Bean sa buhay natin,” sabi pa ng aktres.

Ipinangako ni Angelica kay Gregg na hindi siya matatakot dahil dama niya pagmamahal at pagkalinga ng kaniyang kabiyak sa buhay.

“Pangakong hindi na ako matatakot, at sasanayin ko na ang sarili kong may nagmamahal sa akin nang totoo at nag-aalaga nang wagas. Kasi ang sarap pala kapag nasusuklian lahat ng binibigay mo,” sabi ni Angelica.

“Habang buhay, mahal kita,” sabi pa ng aktres.

 

 

Ginanap nitong weekend ang kasal nina Angelica at Gregg sa Siargao na dinaluhan ng ilang celebrities gaya nina Anne Curtis, Glaiza De Castro, Maxene Magalona, Kim Chiu, Bela Padilla, Liz Uy, at marami pang iba.

Naging engaged sina Angelica at Gregg noong 2022, at unang ikinasal sa Amerika noong New Year’s Eve, na may special date na 123123. —FRJ, GMA Integrated News