Hindi itinanggi ni Karylle na dahil solid ang samahan ng kanilang “It's Showtime” family, nagkukulitan at nag-aasaran din silang co-hosts. Ngunit tunay nga kaya siyang napipikon kay Ryan Bang?
Sa kaniyang pagbisita sa Unang Hirit nitong Biyernes, tinanong si Karylle kung may mga pagkakataong nagkakapikunan na sila sa kanilang mga asaran.
"Aaminin ko na ba ngayon?" tanong ni Karylle. "Pero ang pinaka-naaasar talaga ako Ryan Bang," biro niya.
“Kasi si Hyun-sung Bang (tunay na pangalan ni Ryan), he's a Korean and sabay kami pumasok sa It’s Showtime as hurados. So ‘yung level ng bonding namin sobrang lalim na. Parang ano niya ko, ate, 'yung asaran namin next level talaga," pagpapatuloy niya.
Inamin ni Karylle na may mga pagkakataong nagkakapikunan din sila, ngunit hinangaan niya ang galing ni Ryan pagdating sa pagbawi.
"'Ate Karylle, I love you.' After every asaran, may bawi, just in case naasar ako nang tunay. Kasi minsan acting acting lang kami ‘di ba," anang It’s Showtime host.
"Pero, 'Ate K, love you,' may paalala lagi. Pero secret lang 'yan," ani Karylle.
Pasabog at naging makasaysayan ang debut ng “It’s Showtime” sa Kapuso Network noong nakaraang Sabado.
Energetic sa kaniyang performance si Karylle, na ipinamalas ang kaniyang rap, flexibility at dancing skills.
Kinanta rin niya ang "Black Magic" kasama sina Anne Curtis at Kim Chiu.
Nakakuha ng solidong 6.8% rating ang debut episode ng "It's Showtime" sa GMA Network, at nakapagtala ng 9.7% mula sa combined overnight data ng mga channel na GTV, A2Z, Kapamilya Channel at Jeepney TV, base sa Nielsen Philippines NUTAM People Ratings.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News