Binalikan ng "Tahanang Pinakamasaya” hosts na sina Isko Moreno at Buboy Villar ang mga hindi nila malilimutang moment noong laman pa sila ng kalye para maghanap ng basura na puwede pang pakinabangan.
“‘Pag oras na magsasara na ‘yung [fastfood restaurant], ‘yun na ‘yung masayang oras ko ng pagbabasura,” kuwento ni Isko sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.
“‘Yung basura nila ilalabas na, doon na kami mamimili ng mga tira-tirang chicken tsaka burger. Kapag 10 o 11 years old ka, hindi ka naman nakakabili eh. They call it ‘pagpag,’ we call it ‘batchoy.’ ‘Yun ang masayang moment,” pagpapatuloy ni Isko.
Habang namimili pa raw ng basura, kumakain pa si Isko ng tirang spaghetti.
“Alam mo ‘yung, wow, everyday ginagawa mo ‘yun. ‘Yun ang pribilehiyo ng pagbabasura,” sabi ni Isko dahil wala pa silang pera noon para bumili ng pagkain sa mga fast food.
Naka-relate din si Buboy sa kuwento ni Isko dahil nagbabasura rin ang kaniyang ama.
“Ang tatay ko po ang professional work niya ay chef, pero ‘pag madaling araw siya nagbabasura, sumasama ako sa kaniya,” kuwento ni Buboy.
“Ang hindi ko po makakalimutan sa kalsada, merong side car, ‘yung side car namin punong puno ng sibak, mga board,” kuwento ni Buboy.
“Andoon po ako sa itaas, natutulog, mga 5 a.m. Nahulog po ako… Tapos napagkamalan ako ng tatay ko na humps,” sabi ni Buboy.
“‘Aray!’” sigaw ni Buboy “‘Anak ano’ng ginagawa mo diyan?’” tanong ng kaniyang tatay.
“‘Tay, alam mong punong-puno [kalakal] hindi ka nag-iingat,’” kuwento pa ni Buboy.
“‘Yun po ‘yung nasabi ko na ang saya sumama sa gano’ng sistema. Oo, mahirap para sa ibang bata, pero para sa akin, ‘yung ka-bonding ko ang tatay ko,” sabi ni Buboy. -- FRJ, GMA Integrated News