Inilahad ni Jo Berry na iniingatan niya ang mga role na kaniyang natatanggap ngayong itinuturing na niya ang sarili bilang kinatawan ng mga people with dwarfism.
“Kada role, iniingatan ko and sini-see to it ko na magagampanan ko nang maayos and mapapangalagaan ko. Especially ‘yung mga tao na may dwarfism, kini-claim ko nang ako ang representation ngayon,” sabi ni Jo sa "Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“Isa po ‘yun sa iniingatan ko lagi na ‘yung roles when it comes sa pagtanggap ko ng iba’t ibang klase ng character, hindi magiging masama or degrading for me and for them (people with dwarfism),” pagpapatuloy niya.
Bilang aktres, sinabi ni Jo na hangga’t maaari ay nagsisilbi siyang magandang halimbawa sa mga manonood.
“Kailangan ‘yung reputation namin is always pinapangalagaan in a way na makikita nila na–siyempre, hindi naman tayo perfect, pero hangga’t maaari eh sana ‘yung makikita is magandang impluwensiya for us,” sabi niya.
“Since nasa media nga po and malaki ‘yung impluwensya, hangga’t kaya po pangangalagaan at ipapakita na mabuti ‘yung mga ginagawa,” pagpapatuloy ni Jo.
Gumaganap si Jo bilang isang abogada sa “Lilet Matias: Attorney-at-Law” kasama sina Jason Abalos, Nora Aunor at marami pang iba.
Nauna nang ihayag ni Jo na pangarap niya noong maging isang abogado, kaya naman maituturing niyang “dream come true” ang role niya bilang si Lilet Matias.
“Feeling ko po binless ako na ma-portray ‘yung role, parang role playing lang din siya para makita ko kung ‘yun ba talaga ang gusto ko. Feeling ko ito ‘yung binigay na chance sa akin kaya ito ‘yung role ko ngayon,” sabi ni Jo.
Mapapanood ang “Lilet Matias: Attorney-at-Law” sa Marso 4 sa GMA Afternoon Prime.-- FRJ, GMA Integrated News