Pinag-aaralan umano ng dating presidente ng Miss Universe na si Paula Shugart ang legal na hakbang laban sa kasalukuyang pinuno ng naturang beauty pageant na si Anne Jakrajutatip.
Sa Chika Minute report sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nakasaad sa social media post ni Paula na ang planong legal na hakbang na gagawin niya ay bunsod umano ng peke at "outrageous" na komento ni Anne laban sa kaniya.
Kabilang sa alegasyon umano ni Anne ang pagtanggap daw ni Paula ng "under the table" money o suhol para makakuha ng "placement" o makapuwesto sa Ms. Universe competition ang isang kandidata.
Giit ni Paula, ang alegasyon ay hindi lang daw paninirang puri laban sa kaniya, bagkos ay magdudulot din sa pagdududa ang pagkapanalo ng ibang kandidata na maaaring isipin ng iba na binili nila ang napanalunang korona.
Nagbitiw si Paula sa kaniyang posisyson bilang pinuno ng prestihiyong beauty pageant noong nakarang taon na hinawakan niya ng mahigit dalawang dekada.
Wala pang pahayag si Anne tungkol sa post ni Paula.-- FRJ, GMA Integrated News