Kasama si Lovi Poe sa isang Hollywood independent feature film na “Bad Man!,” na pangungunahan ni Seann William Scott.

Masayang ibinahagi ni Lovi ang bago niyang proyekto sa kaniyang Instagram post.

“So happy to finally announce being part of BAD MAN. Can’t wait to share more about this amazing film with an even more amazing cast!” saad ni Lovi sa caption na makikita rin ang iba pa niyang kasama sa pelikula.

Inihayag din ng aktres na ang naturang pelikula ang dahilan kaya siya nasa Alabama para sa shooting.

Nag-post din si Lovi ng pasilip sa kulitan nila ng ilang cast member.

Ayon sa Deadline, isang action-comedy movie ang “Bad Man” na inspired sa tunay na pangyayari. Kuwento ito ng isang pulis na ginagampanan ni Seann William Scott na lulong sa ilegal na droga.

Nakarating siya sa isang maliit na bayan at hindi niya makasundo ang deputy police officer na ginagampanan ni Johnny Simmons.  

Pero sa kabila nito, magtutulungan silang lutasin ang isang kaso ng pagpatay.

 

Hindi pa alam kung ano ang role ni Lovi sa pelikula. Pero ito ang ikalawang Hollywood project ng aktres kasunod ng “The Chelsea Cowboy,” na hindi pa ipinapalabas.

Kasama rin sa "Bad Man" ang iba pang kilalang Hollywood stars gaya nina Rob Riggle (“21 Jump Street”), Chance Perdomo (“After We Fell”), at Andre Hyland (“Barry”).

Directorial debut ito ng screenwriter Michael Diliberti. -- FRJ, GMA Integrated News