Sa harap ng gamutang ginagawa para sa kaniyang multiple autoimmune conditions, sinabi ni Kris Aquino na nagkaroon ng pamamaga sa kaniyang puso na maaaring humantong sa cardiac arrest.
Sa live interview ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, ibinahagi ni Kris ang update tungkol sa kaniyang kalusugan habang nananatili sa Amerika para magpagamot.
Ayon sa Queen of All Media, may susubukan sa kaniyang gamot sa Lunes para isalba ang kaniyang puso at hindi mauwi sa cardiac arrest.
“Ngayon ako hihingi talaga… I’m sorry na parang ang kapal ng mukha ko dahil ang tagal niyo na akong ipinagdarasal, but I really need it now,” sabi ni Kris.
“Because on Monday, papasok ako sa ospital at may susubukan kaming biological na gamot. This is my chance to save my heart. Because kung hindi ito tumalab, I had a very strong chance of having cardiac arrest,” saad niya.
Ayon kay Kris, kahit sa kaniyang pagtulog ay maaaring tumigil na lang ang pagtibok ang kaniyang puso.
“May gamot na susubukan, but there is a very big risk involved with that medicine. Because hindi ibinibigay ang gamot na ito na hindi ka binibigyan muna ng steroids. You need it para hindi ka magkaroon ng anaphylactic shock," ayon kay Kris na inilahad din ang problema niya sa allergy sa mga gamot.
Susubukan umano ng mga duktor ang biological drug sa Lunes at titingnan kung kakayanin niya ang "baby shots," o mababang dosage.
Dagdag ng Queen of All Media, nangangailangan siya ng apat na doses ng naturang gamot.
“Hindi predictable. I hate to say it, but I’ve always been very, very upfront and honest, hinarap ko na ito. Because alam ko na bawat araw, especially now birthday ko pa, pahiram na lang ito ng Diyos. Binigyan ako ng bonus. Whatever days are left, kung ano man ang natitira, it’s a blessing.”
I want to stay alive
Gayunman, inilahad niyang nais pa niyang mabuhay para sa kaniyang mga anak, pamilya at mga nagmamahal sa kaniya.
“I really want to stay alive. Sino ba naman ang sasabihin na ‘Handa na akong mamatay’? I don’t think any of us can say that,” ani Kris.
Sinabi niyang nangako siya sa anak na si Bimby, na edad 16 na ngayon, na kapag tumanda ito, “I will really do everything, lahat gagawin ko… kailangan pa nila ako.”
Gayunman, sinabi niyang mas magiging mahigpit ang pagbabantay sa kaniyang kondisyon pagkaraan ng Lunes kapag sinubukan ang gamot na kaniyang sinasabi.
“Wala na akong immunity. Puwede na akong dapuan ng kahit na anong sakit, at wala akong panlaban doon,” sabi niya.
Ipinaliwanag din ni Kris kung bakit hindi nagiging madali ang paggamot sa kaniyang mga sakit dahil sa mga gamot na hindi puwede sa kaniya.
"Pinakamabilis na sagot, tatlong pages 'yung laman ng binibigay sa mga doktor na ito 'yung mga bawal na gamot kay Kris," saad niya. "As simple as Biogesic, as simple as Ponstan, Advil, 'yung mga fever reducers, lahat 'yan allergic ako."
"Halos lahat ng antibiotics, allergic ako," dagdag niya. "Mabibilang mo siguro sa sampung daliri kung ilan lang ang gamot na puwede kong i-take."
Sa kabila ng kaniyang pinagdadaanan, sinabi ni Kris na patuloy ang kaniyang paglaban at hindi niya ito susukuan.
“Buhay ako ngayon, alam ko dahil tiwala ako sa dasal na kakayanin pa ito,” saad niya.
Pinasalamatan ni Kris ang mga taong patuloy na nagdarasal at nagmamahal sa kaniya, gaya ng komunidad sa Los Angeles na pinagdadalhan siya ng mga pagkain at prayer booklet, at naghahangad na gumaling siya.
Gayunman, hindi nangako sa ngayon si Kris na muli pa siyang mapapanood sa telebisyon dahil marami na raw siyang hindi kayang gawin.
“Pero ito po ang pangako ko sa inyo. Hindi ko kayo bibiguin dahil sumuko ako. Wala sa pananaw ko sa buhay na puwedeng sumuko. Kailangan lumaban. Hindi ko ipapahiya ang sarili ko sa inyo dahil binigyan ninyo ako ng pinakamagandang regalo. ‘Yung pagmamahal ninyo at suporta ninyo at pagdarasal ninyo,” sabi ni Kris.
“Kasi wala naman akong nagawa para sa inyo pero kayo, sobra ‘yung ibinibigay niyo sa akin na lakas, because I know na you are praying for me. And that’s the biggest gift anyone can give,” patuloy niya.
Mensahe naman niya sa kaniyang mga kapatid, “I miss them so much, I love them so much but it’s so hard.”
Lumipad si Kris pa-U.S. noong 2022 at nakatanggap ng malungkot na balita na mayroon siyang apat na kondisyon: ang chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, at ang pambihirang Churg Strauss EGPA, na isang uri ng vasculitis.
Nasa lima na ang kaniyang autoimmune conditions, at may indikasyon na rin siya ng panimulang sintomas ng lupus.-- FRJ, GMA Integrated News