Inamin ni Andrea Torres na nakikipag-date na siyang muli na inirereto ng kaniyang mga kaibigan. Mayroon na kaya siyang napupusuan?
Ginawa ni Andrea ang pag-amin sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," kung saan sinabi ng aktres na matagal-tagal na rin siyang bumalik sa dating pero hindi madalas.
“Yes. Actually, matagal-tagal na rin. Hindi kasi ako 'yung maya't-maya, medyo may gap talaga,” paliwanag ni Andrea.
Ang mga kaibigan daw niya ang nagpapakilala sa kaniya ng magiging ka-date niya. Pero sa ngayon, nanatili siyang single bagaman nagiging kaibigan daw niya ang mga naka-date niya.
“Lumalawak ang mundo ko, and ngayon din na nagta-travel ako, nakakatuwa kasi siyempre parang nakaka-meet ka ng iba-ibang klaseng tao, tapos nalalaman mo 'yung buhay nila,” pahayag ng aktres.
“Ine-enjoy ko lang talaga. Ganun pa rin naman, single, pero happy and nag-e-enjoy, nag-e-explore ng buhay,” ayon pa kay Andrea, na nilinaw din na “not exclusively” ang kaniyang dating.
Wala rin daw siyang dine-date na taga-ibang bansa dahil sa tingin niya ay hindi para sa kaniya ng LDR o long distance relationship, bagaman hindi siya nagsasalita ng tapos.
Pero kahit mas nais niyang nakikita at nayayakap ang magiging nobyo, nilinaw ni Andrea na hindi siya ang tipo ng nobya na clingy.
“Ideally talaga, makakita ka ng tao na ipu-push ka rin sa pangarap mo, hindi ka isa-stop sa mga gusto mong marating pa sa buhay,” paliwanag niya.
Huling naging karelasyon ni Andrea si Derek Ramsay pero naghiwalay sila noong 2020. Ikinasal naman noong 2021 si Derek kay Ellen Adarna. -- FRJ, GMA Integrated News