Dinakip matapos maging suspek sa pagkasunog ng isang modern jeepney sa Catanauan, Quezon ang film director na si Jade Castro, at ang kaniyang mga kasama.
 
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing Enero 31 nang sunugin ng apat na suspek na naka-bonnet ang isang modern jeep sa Barangay Dahican.

Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya tulad ng sasakyan na ginamit umano ng mga suspek, natunton si Castro, at mga kasamahan niya na sina Ernesto Orcinem, Noel Mariano, at Dominic Valerio Ramos, na naging suspek sa krimen.

Inaresto ang apat sa Mulanay at sinampahan ng reklamong arson, na mariing itinanggi naman ng direktor at kaniyang mga kasamahan.

Giit ng grupo ng direktor, nagbabakasyon sila at wala rin umanong arrest warrant ang mga pulis nang dakpin sila.

Nanawagan naman ang Directors Guild of the Philippines at UP Film Institute sa kapulisan na palayain si Castro at mga kasama nito.

Ayon naman kay Philippine National Police Chief Police General Benjamin Acorda, “Case of arson were already filed against them. They have the right naman, they will explain their side.”-- FRJ, GMA Integrated News