Dahil sa kaniyang kulay na namana niya sa kanilang black-American ang ama, naging biktima umano noon ng bullying na may kasamang pananakit si Alexie May Caimoso Brooks. Ngunit nanatili siyang positibo at hindi isinuko ang kaniyang pangarap maging beauty queen. Hanggang sa siya ang itanghal na Miss Iloilo ngayong 2024.
Sa “Good News,” mapapanood ang nakaaantig na video ng tubong Leon, Iloilo na si Alexie na yakap-yakap ang kaniyang lola matapos makoronahan sa paligsahan.
Nagtatrabaho sa Lebanon ang ina ni Alexie, samantalang hindi na niya nakilala ang ama niya na isang Black American. Kaya naman lumaki siya sa kaniyang lolo at lola.
“I had my grandma and my grandpa growing up. Though my grandpa passed away when I was on my third grade, life is beautiful with them. Knowing that from my childhood, from school, I get to experience a lot of bullying, and going home is like a safe place for me,” sabi ni Alexie.
Dahil nasa abroad ang kaniyang ina, hinahanap-hanap din ni Alexie ang kalinga ng mga magulang.
“But then I stopped looking for what I don't have at the table and start appreciating who's in there for me,” sabi niya.
Lumaking lola's girl si Alexie na bata pa lamang ay bitbit na ng kaniyang lola Basing Caimoso sa puwesto sa bagsakan ng gulayan, at tinutulungan niya itong magbenta.
Pero pagdating sa paaralan, nakaranas si Alexie ng matinding pambu-bully.
“I remember when I was on my elementary days, people would always call me these words Ati ako, and you know, Aeta, and all that,” saad niya.
Umabot pa ang pambu-bully kay Alexie sa pisikalan kung saan may mga nambugbog, nanampal at nangdura sa kaniya.
“The words were okay though, but then the physical abuse, knowing that some of them would actually punch me, or spit on me, or like slap me, or throw stones at me, those were the things that is actually harder to, you know, face than just the words,” sabi ni Alexie.
Ngunit hindi nanaig ang pambu-bully sa pagiging positibo ni Alexie.
“I don't know, I've always been an optimistic kid. I try to look for something better out of it, and I keep telling myself that I'll have my turn one day,” anang beauty queen.
Nagsilbing daan ang pambu-bully sa kaniya ng ilang kaeskuwela para sumabak siya sa larangan ng sports. Nagpalakas ng katawan at naging atleta si Alexie para sa high jump.
Minahal na ni Alexie ang sport na pangdepensa niya sana sa mga nambu-bully sa kaniya, at napiling maging bahagi ng Philippine National Team.
Mula sports, sumalang na rin si Alexie sa mga pageant noong edad 12. Kasama niya sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap ang kaniyang lola.
“Ang masasabi ko, proud na proud ako siyempre,” sabi ni Lola Basing.
Kaya namang nang magwaging Ms. Iloilo 2024, inialay ni Alexie ang korona sa kaniyang lola.
“One thing that could make me go on my day, or my life right now, it's hers. Because I felt like this is my reciprocation to her for all the things that she's done to me. So, she's more than just someone important. She meant everything to me,” sabi ni Alexie.
Tunghayan sa Good News ang pagrampa ni Alexie sa palengke na minsan niyang naging "entablado." -- FRJ, GMA Integrated News