Nagbigay ng payo si Carmina Villarroel sa kaniyang anak na si Mavy pagdating sa pakikipagrelasyon.

Sa latest vlog ni Ogie Diaz na nilagyan ng titulong, "Sa nanakit sa anak ni Carmina Villarroel…," sinabi ni Carmina na pinayuhan niya si Mavy na pagtuunan muna ng pansin ang sarili bago pumasok sa panibagong relasyon.

Saad umano ni Carmina kay Mavy, “Just take your time. Enjoy your life, especially ngayon na ang daming trabaho, ang dami mong blessings, so mag-focus ka muna diyan.”

“Actually, hindi ko na kailangan sabihin,” dagdag niya. “Nakikita ko talaga ine-enjoy niya 'yung buhay niya ngayon.”

Ka-love team ni Mavy si Kyline Alcantara, na nagiging ka-date niya pero walang opisyal na pahayag tungkol sa tunay na lagay ng kanilang relasyon.

Tinanong din ni Ogie si Carmina kaugnay sa mga espekulasyon na "pakialamera" siya sa buhay-pag-ibig ng kaniyang kambal na anak.

“Hindi ako nakikialam, inaalam ko, because we are very open,” paliwanag ng aktres.

“I really don't want to use pakialamera or nakikialam kami, hindi talaga eh,” dagdag niya. “We’re just present, very present kami sa buhay ng mga anak ko.”

Kambal na anak ni Carmina at Zoren Legaspi sina Mavy at Cassy, na nagdiwang kanilang 23rd birthday ngayong Enero.

Kamakailan lang, nagbigay ng paalala sina Carmina at Zoren pagdating sa mga kaibigan at tsismis.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Carmina sa dalawa na, "People can destroy your image, damage your personality, create rumors about you, but they can never take away your good deeds." — FRJ, GMA Integrated News