Nagbalik-tanaw si Andrea Del Rosario tungkol sa pagiging miyembro niya noon ng Viva Hot Babes, at ang mainit na tapatan nila ng Sexbomb Dancers.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, binalikan nina Tito Boy at Andrea ang dance moves ng hit song ng Viva Hot Babes na “Bulaklak.”
Pag-alala ni Tito Boy, naunang nag-release ang Sexbomb Dancers ng “Spaghetti Song,” na pumatok din sa masa.
Tinanong ni Tito Boy kung sinadya maging ang tapatan ng kanilang mga kanta.
“Parang ganu’n. Kasi ‘yun ang nauso noon, ‘yung novelty songs. So everytime may ilalabas ang Sexbomb, kami rin naglalabas din ng mga [kanta] namin,” sabi ni Andrea.
“How fierce was that rivalry? Totoo ba ‘yun? Was there animosity between the Hot Babes and Sexbomb?” pagsegundong tanong ng King of Talk.
“Somehow. But hindi naman namin talaga kine-claim na mga magaling kaming sumayaw. Up to now,” natatawang sabi ni Andrea.
Kaiba sa Sexbomb Dancers, na nagsanay sa ilalim ng choreographer na si Joy Cancio, nauna munang naging solo artists ang ilang miyembro ng Viva Hot Babes bago sila ini-launch bilang grupo.
Ilan sa mga kasama ni Andrea sa Viva Hot Babes sina Maui Taylor, Katya Santos, Jen Rosendahl, Gwen Garci, Myles Hernandez, Sheree at marami pang iba.
Patok ang grupo dahil sa kanilang novelty songs gaya ng “Bulaklak,” “Kikay” at “Basketbol.” Napanood din sila sa ilang sexy films.
Ngunit sa parehong panayam, inilahad ni Andrea na hindi niya talaga gusto na ma-package siya noon bilang isang sexy star, ngunit may mabigat siyang dahilan kung bakit siya pumayag.
"My drive to work kasi at that time was to help my family. Like what I said, nagkahiwalay po ang mga magulang ko, and then it was just my mom and then she had to take care of the four of us. ‘Yun ang opportunity ko to somehow, move forward in life,” saad niya.
Dagdag ni Andrea, “torn” siya noon sa kaniyang naging desisyon na maging sexy star.
“As far as I can remember, yes. But of course, kinondisyon ko na rin ang mind ko to have the right kind of mindset na don’t regret any decision that you make. ‘You just do it.’ And that’s what I did.” -- FRJ, GMA Integrated News