Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ang dating child star na humarap at nalampasan ang matinding pagsubok sa buhay kung nagtampo ba siya sa industriya ng showbiz.
"Hindi po," tugon ni Jiro kay Tito Boy. "Parang feeling ko lang po I need some space para makagawa ako ng sarili kong kagustuhan."
Marami ang humanga kay Jiro bilang child star noon dahil sa husay niyang umarte na dahilan para magkamit siya ng maraming parangal.
Pero natigil sa pag-aartista si Jiro hanggang sa mabalita ang pagharap niya sa mga personal na problema.
Noong 2015, nakita siyang palaboy-laboy sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nang ilang araw.
Isa sa mga tumulong sa aktor si AiAi Delas Alas, na co-star ni Jiro sa serye ng pelikulang “Ang Tanging Ina,” upang makabangon ito mula sa pagkalulong sa droga sa pamamagitan ng pagdadala sa kaniya sa rehab center.
Dinakip naman si Jiro noong 2020 dahil umano frustrated homicide.
Nang tanungin ni Tito Boy si Jiro kung nasaan siya ngayon sa kaniyang buhay, tugon ng dating child wonder, "nasa reality po."
Paliwanag ni Jiro tungkol sa tinutukoy niyang realidad, "Harapin ko pa po ang mga pagsubok sa buhay ko at tumayo ako sa sarili kong paa."
Ang kaniya raw pamilya ang kasama ni Jiro sa pagharap sa mga pagsubok.
Ipinaliwanag din ng dating aktor kung bakit hindi siya basta-basta makakabalik sa showbiz.
"Hindi na katulad ng dati 'yung babad talaga ako sa TV. Kasi po pinagbawalan ako ng mga doktor sa rehab na baka maging effects ng stress ko, magkasakit ako ulit, dahil hanggang ngayon nagte-take ako ng medicine," sabi ni Jiro.
"Tsaka marami pong binawal sa akin. Bawal pong mapuyat, bawal akong masyadong magalit, 'yung mga substance," pagpapatuloy niya.
Ayon pa kay Jiro, may mga nagtatanong kung babalik siya sa showbiz.
"Sinasabi ko sa kanila, kailangan ko ng full recovery," kuwento niya.
Sa Fast Talk segment ng programa, tinanong din si Jiro kung babalik ba siya sa showbiz, at "no" ang kaniyang isinagot.-- FRJ, GMA Integrated News