Ikinuwento ng mag-asawang vendor na napili sa segment na "G sa Gedli" kung papaano nagsimula sa sulat ang kanilang love story sa panahon na hindi pa uso ang cellphone, na gusto ring maranasan ni Arra San Agustin.

Dahil nasa South Korea si Buboy Villar para sa "Running Man Philippines," si Arra ang nakasama ni Isko Moreno sa naturang segment ng GMA noontime show na "Tahanang Pinakamasaya."

Nagtitinda ng taho at ice scramble na nasa sidecar ang mag-asawang Nilo at Mising, na 30 taon nang magsasama, at may anim na anak.

Nang tanungin ni Yorme si Nilo kung papaano niya niligawan si Mising, sinabi ng mister na ipinatanong niya sa kaniyang mga kaklase ang pangalan nito.

"Nung makita ko crush ko na agad," masayang balik-tanaw ni Nilo.

Natutuwa naman si Arra dahil napansin niya na hanggang ngayon ay kinikilig pa rin si Mising sa kuwento ng kaniyang mister.

Dahil wala pang cellphone noon, sinabi ni Nilo na gumawa siya ng maigsing sulat para kay Mising para pormal niya itong makilala.

Naka-relate naman si Yorme sa naturang paraan noon ng panliligaw na hindi na katulad ngayon na idinadaan na cellphone ang lahat.

"Yan ang gusto ko," sabi ni Ara na idinadaan sa sulat ang panliligaw.

Ayon kay Ara, last year siya huling nagka-boyfriend nang tanungin ni Isko.

Noong Marso 2023, inilahad ni Arra na hiwalay na sila ng nobyo niyang basketbolistang si Juami Tiongson.

BASAHIN: Arra San Agustin, hiwalay na sa PBA player na si Juami Tiongson

Pagpapatuloy ng kuwento ni Nilo, hindi sinagot ni Mising ang dalawang nauna niya sulat.

Kaya naman sa ikatlo at huli sana niyang sulat, inilagay niya rito, na "sagutin mo man o hindi ok lang sa akin."

Ayon naman kay Mising, tatlong buwan siyang niligawan ni Nilo bago niya ito sinagot.

Nagpupunta umano si Nilo sa bahay ni Mising na nakabisikleta at nagtitinda siya noon ng taho habang nag-aaral.

Humanga si Yorme sa pagsisikap ni Nilo na pinagsabay ang pag-aaral at trabaho, at humanga siya sa mag-asawa nang malaman na napag-aral nila sa kolehiyo ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng taho at scramble.

Ayon kina Nilo at Mising, nakapagtapos na ang dalawa nilang anak at may trabaho na.

Bilang regalo, binigyan ni Yorme ng P20,000 ang mag-asawa para makapag-date, at binili na rin niya ang tinda ng mga ito para makapaghinga nang maaga nang araw na ito.

Panoorin sa video ang kanilang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News