Pinuri ni Jennylyn Mercado si Xian Lim na katambal niya sa bagong Kapuso Primetime series na "Love. Die. Repeat." na mapapanood na simula nitong Lunes.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabi nina Jennylyn at Xian na marami ang makaka-relate sa istorya ng serye na tungkol sa pagmamahal, pagbibigay ng second chance, at pagsasakripisyo.

Sa serye, paulit-ulit na mamamatay ang karakter ni Xian [Bernard] na asawa ng karakter ni Jennylyn [Angela].

"Ang essence po ng time loop is the characters need to learn a huge lesson in their life para they can overcome that time loop. My character is dying every single day so how will Jennylyn Mercado, how will Angela save her dying husband," ayon sa aktor.

"Aside from paulit-ulit na namamatay yung minamahal niya, sa buhayn it's also about not giving up so maraming makaka-relate diyan. How far are you willing to go to not give up on the person you love," dagdag ni Xian.

Itinuturing ni Jennylyn, na isa kung hindi man pinaka-challenging role na si Angela sa kaniyang mga naging proyekto sa nakalipas na 20 taon.

Bilib din siya sa kaniyang leading man na si Xian.

"Magaan siya katrabaho. At lagi ko sinasabi na collaborative yung aming taping. Everytime kasi nag-uusap kami kung ano ba dapat gawin tapos yung aming direktor napakasipag at napaka-patient talaga na pagandahin itong show na 'to," saad ng aktres.

Para naman kay Xian, isang karangalan na makasama sa isang proyekto si Jennylyn na kaagad daw niyang nagkapalagayan ng loob sa set.

"I think yung comfortability and yung trust lang talaga," anang aktor. "Parang 'pag may isang nagkamali nandiyan yung isa para sumalo or nandiyan yung isa para alalayan yung isa. So that's very crucial dun sa working relationship and dynamics with Jen." -- FRJ, GMA Integrated News