May bagong misyon ang bida ng "Black Rider" series na si Ruru Madrid matapos na mapili na bagong Anti-Piracy Ambassador ng Kapuso Network.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kasama si Ruru sa kampanya ng GMA na “Stream Responsibly. Fight Piracy.”
Ang oath-taking ceremony ni Ruru ay pinangunahan ni GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, at present din sina First Vice President and Head of International Operations Joseph T. Francia at IPO Deputy Director Ann Claire Cabochan.
Sinabi ni Ruru na malaking karangalan ang kaniyang role bilang ambassador laban sa piracy na malaki ang epekto sa entertainment industry.
“It’s an honor na ako po ang napili to be part of this new campaign ng GMA which is the anti-piracy campaign,” anang aktor.
“Ito po kasing ginagawa natin is for the future of entertainment industry din,” dagdag pa ni Ruru. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News