Napurnada ang mga nakalinyang Marvel movies ng Hollywood actor na si Jonathan Majors matapos na hatulan siya ng New York jury na guilty sa kasong pananakit sa kaniyang dating nobya sa likod ng sasakyan.
Ilang saglit makaraang lumabas ang hatol, inihayag ng tagapagsalita ng Walt Disney na namamahala sa Marvel, na inalis na nila si Major sa mga susunod nitong proyekto.
Si Majors ang pangunahing kontrabida na si Kang the Conqueror sa pinakahuling "Ant-Man" movie. Sa 2026, siya sana ang magiging bida sa "Avengers: The Kang Dynasty" movie.
Una rito, kinasuhan si Majors ng two counts of assault at two counts of harassment dahil sa pananakit sa kaniyang dating kasintahan na si Grace Jabbari noong Marso.
Sa desisyon ng jury, guilty ang hatol nila kay Majors sa one count of assault at one count of harassment, habang pinawalang-sala siya sa iba pang kaso.
Ilalabas ang sentensiya kay Majors sa Feb. 6, 2024, at maaari siyang makulong ng hanggang isang taon.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang abogado ni Majors tungkol sa desisyon ng jury.
Ikinatuwa naman ng Manhattan District Attorney's Office ang desisyon. Ipinakita umano ang katibayan ng "cycle of psychological and emotional abuse, and escalating patterns of coercion" ni Majors.
Ayon sa prosekusyon, nagtamo si Jabbari ng bali sa daliri, at namaga ang braso at tenga dahil sa pananakit ng aktor.
Sa depensa ng abogado ni Majors, sinabi nito na si Jabbari ang nanakit kay Majors dahil nakipaghiwalay umano ang aktor.
Nagsampa rin si Majors ng reklamo laban kay Jabbari, kaya inaresto ang babae sa reklamong assault noong October. Pero ibinasura ng Manhattan District Attorney's Office ang reklamo dahil sa "lacks prosecutorial merit."
Ilan sa mga pelikulang ginawa ng 34-anyos na si Majors ay "The Last Black Man in San Francisco," "Creed III" at "Ant-Man and the Wasp: Quantumania."
Matapos arestuhin, binitawan si Majors ng kaniyang management company, public relations firm at ilang advertisers. —REUTERS/FRJ, GMA Integrated News