Inihayag ni Tito Boy Abunda ang kaniyang kalungkutan matapos ianunsyo nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang kanilang hiwalayan, ngunit sinabing nirerespeto niya ang kanilang desisyon.
“Tunay na napakalungkot ng balitang ito para sa mga KathNiel, para sa mga kaibigan, para sa fans, and that includes me, dahil ako’y tagahanga po ng tandem na ito,” sabi ng King of Talk sa isang Facebook video.
“I think this is an indication of how much KathNiel is loved by people in this country,” pagpapatuloy ni Tito Boy, na sinabing marami pa rin ang umaasang maaayos nina Kathryn at Daniel ang kanilang relasyon matapos ang kanilang anunsyo.
Sunod na ibinahagi ni Tito Boy ang kaniyang saloobin tungkol sa isyu.
“I was wrong. Mali ako. I thought they would be able to fix what needed to be fixed,” sabi niya, at idinagdag na nagdasal siya para “maayos ang dapat maayos.”
Nakidalamhati si Tito Boy sa malungkot na pasya nina Kathryn at Daniel.
“I can imagine the pain, the excruciating pain they have to bear now, si Kathryn, si Daniel, ang KathNiels, ang fans. And I honor this pain."
“Umiiyak ako para kay KathNiel, as a fan and friend,” pagpapatuloy niya.
Gayunman, nirerespeto ni Tito Boy ang kanilang desisyon.
“Katulad ng marami, I respect their decision to part ways knowing that they tried to save this love story with respect, but one that sadly ended also with respect.”
Sa kabila nito, inihayag ni Tito Boy ang kaniyang paghanga kay Kathryn sa pagpapakita nito ng class sa hiwalayan nila ni Daniel.
“Ang paulit-ulit na sinasabi ng aking isipan ay class is not dead in show business. What a decent girl Kathryn Bernardo is. Napaka disente. At a time when vicious ranting is commonplace, she chose to be cautious, respectful, circumspect.”
Ayon pa kay Tito Boy, dito pinatunayan ni Kathryn na posible sa isang break up ang “proper ending,” “no matter the pain.”
“Bravo, Kathryn,” paghanga ng “Fast Talk with Boy Abunda” host sa dalaga.
Kung kaya naman nararapat lamang para kay Kathryn ang pagmamahal at respeto.
Sa paglabas naman ni Daniel ng statement nito ilang minuto matapos maglabas ng pahayag ni Kathryn, inalala ni Tito Boy ang naging interview nito sa aktor.
“DJ, what is worse than betrayal?” tanong ni Tito Boy kay Daniel. “To be forgiven,” tugon ng binata.
Sinabi ni Tito Boy na wala siyang alam sa mga detalye na humantong sa desisyon nina Kathryn at Daniel na maghiwalay.
“I only know the love that they have for each other — a love that prevailed even when they decided to say goodbye.”
Bilang pagtatapos, sinabi ni Tito Boy na ginawa niya kasama ang KathNiel “some of their most important interviews.”
“Kahit konti, I witnessed the story, the narrative of Kathryn and Daniel kaya sobra akong nalulungkot,” anang King of Talk.
“Kath, DJ, all the best and all the love. Maraming salamat."
Parehong kinumpirma nina Kathryn at Daniel nitong Nobyembre 30 na hiwalay na sila matapos ang 11 taon nilang relasyon.
Ayon kay Kathryn, sinubukan nila ni Daniel na ayusin ang kanilang relasyon, ngunit nagkaroon sila ng "drifting apart" nitong mga nakaraan.
"Our love story began with respect and ended with respect," sabi pa niya.
Sa kaniya namang Instagram, inihayag ni Daniel ang kaniyang pasasalamat kay Kathryn at sa 11 taon nilang relasyon.
"Our lives may drift away, but our love will still ride that tide," mensahe ni Daniel kay Kathryn. — RSJ, GMA Integrated News