Inilahad ni Tessie Tomas na pumayag siyang mag-migrate sa Isle of Man noong 2018 alang-alang sa pag-ibig sa kaniyang British na asawang si Roger Pullin.

"It was a marital decision. Roger is turning 80 next year... limited time. Health is wealth," sabi ni Tessie sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

Bago nito, ikinuwento ni Tessie na si Roger ang unang nagpaubaya nang magdesisyon itong manirahan sa Pilipinas.

"What I do for love talaga. Pinagbigyan niya ako, we've been together for 33 years, and he has lived here for 38 years. So how can you fault that?" saad ng veteran actress.

Kalaunan, pumayag si Tessie na manirahan sa Isle of Man, na isa sa Crown Dependencies na pagmamay-ari ng British Crown.

"Mahirap, pero kapag tinanggap mong mahirap, it's less mahirap. Tinanggap ko," ani Tessie.

Nagpasalamat si Tessie na sa kabila nito, nakabalik siya sa telebisyon at napanood din sa Kapuso Network noong nakaraang taon.

Inihayag ni Tessie ang paghanga niya kay Roger, na maunawain sa kaniya.

"He's very understanding, he always allows me to go back and forth even during COVID times, to visit my mom who was ailing and then finally passed away last 2021."—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News