Dala umano ng pagmamadali kaya nagkaroon ng pagkakamali sa social media post tungkol sa pangalan ng dalawang kandidata na nailagay bilang finalists sa nakaraang Miss Universe Pageant na ginanap sa El Salvador.
Ito ang inihayag ng Miss Universe El Salvador sa kanilang post sa Instagram para humingi ng paumanhin sa naturang pagkakamali.
"Our mistake!," saad nito.
Paliwanag ng Miss Universe El Salvador, nagmamadali sila na makapag-post sa social media na, "that we accidentally mixed up the names of two finalists."
"This was a simple error of moving too fast," pag-amin nila.
"We’re sorry to both finalists," dagdag nito.
Hindi binanggit ng Miss Universe El Salvador kung sino ang dalawang finalists na kanilang tinutukoy. Pero sa na-screengrab na post ng mga netizen, kasama ang pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee na nakalagay sa Miss Universe Top 5, at wala si Miss Thailand Anntonia Porsild.
Sa opisyal na resulta ng pageant, si Anntona ang nakapasok sa Top 5 at hindi si Michelle, na nasa Top 10 lang umabot.
Katunayan, 1st runner-up of Miss Universe 2023 si Anntonia. Ang pambato ng Nicaragua na si Sheynnis Palacios ang itinanghal na bagong Miss Universe 2023.
Sa kabila ng nangyari, tiniyak ng Miss Universe El Salvador sa pahayag na walang iregularidad na nangyari.
"We heard the same results live at the same time that you all did, no special access over here!," anang organisasyon.— FRJ, GMA Integrated News