Pagkaraan ng 13 na taon, magbabalik sa big screen ang “The Karate Kid” na pagbibidahan muli nina Ralph Macchio at Jackie Chan. Bukod dito, maghahanap sila ng bagong karate kid.

Si Ralph ang gumanap bilang si Daniel LaRusso sa Karate Kid na unang ipinalabas sa mga sinehan noong 1984, kasama ang trainer niyang si Mr. Miyagi na ginampanan ni Pat Morita.

Nakasama naman ni Ralph si Jackie bilang ang bagong trainer na si Mr. Han sa 2010 remake ng pelikula.

“Hi everyone, we’ve got big news,” sabi ni Jackie sa isang video announcement.

“We’re starring in a new ‘Karate Kid’ movie together,” dagdag naman ni Ralph na kasama si Jackie.

Naghahanap din sila ng susunod na Karate Kid at magkakaroon ng global auditions.

“The global search for the star of our new film starts right now. So let’s wax on, wax off, everybody,” ayon kay Ralph na patungkol sa iconic line ni Mr. Miyagi mula sa 1984 movie.

Isiningit naman ni Jackie ang kaniyang linya noong 2010,  “You mean, jacket on, jacket off, hang it up?”

Ayon kay Ralph, “Maybe the new Karate Kid will have to do it all.”

Batay sa casting guidelines sa KarateKidCasting.com, hinahanap nila ang aktor na gaganap bilang Chinese o mixed-race Chinese na nasa edad 15 hanggang 17.

Dapat na mahusay sa Ingles, at magiging plus factor ang marunong ng Mandarin. Mas maganda rin kung marunong ng martial arts, movement, gymnastics, at dance.

Magsisimulang gawin ang pelikula mula sa March hanggang June 2024.— FRJ, GMA Integrated News