Spotted sa state banquet sa Buckingham Palace sa United Kingdom ang Blackpink members na sina Jennie, Rose, Jisoo at Lisa.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ipinagkaloob sa kanila ni King Charles ang honorary Member of the Order of the British Empire medals.

Kasama ng Blackpink si South Korean President Yoon Suk Yeol sa naturang state visit sa Palasyo.

Nakipagbiruan at nagpakuha rin ng larawan ang Kpop group sa British monarch.

Biro umano ni King Charles sa apat, "It's amazing you're still talking to each other after all these years."

"I hope I shall be able to see you perform live at some point," dagdag ng hari.

 

 

Ayon sa Buckingham Palace, ipinagkaloob sa Blackpink ang MBEs bilang pagkilala sa kanilang partisipasiyon sa COP26 Advocates para sa United Nations climate summit na ginawa sa Glasgow noong 2021.

Gumawa ng kasaysayan ang Blackpink noong July, nang maging kauna-unahan silang K-pop group na manguna sa major UK music festival at magtanghal sa BST Hyde Park summer festival sa central London na dinaluhan ng 65,000 katao na isang sold-out concert. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News