Masayang ibinahagi ni Aubrey Miles ang magandang pagbabago sa anak nila ni Troy Montero na si Rocket matapos ang ilang buwan na gamutan at therapy.
Sa Instagram post, nagbigay ng update si Aubrey tungkol sa kaniyang anak na mayroong autism spectrum disorder (ASD).
Ipinost ni Audrey ang ilang larawan ni Rocket na naka-pose sa camera na hindi umano nito nagagawa noon.
"From not being able to take pictures to this. Still a working progress but this will do," saad ng aktres sa caption. "Being able to stand still as a kid on the autism spectrum is huge. Smiling is a bonus."
Sabi pa ni Aubrey, "From not talking and now copying every word we say is a miracle."
Una rito, ibinahagi ni Aubrey na sumailalim si Rocket sa stem cell therapy at hyperbaric oxygen therapy noong August.
Sumailalim din si Rocket sa speech and occupational therapy.
Nitong nakaraang taon nang ianunsyo nina Aubrey at Troy na na-diagnosed na may ASD ang apat na taong gulang na si Rocket.
Ayon kay Aubrey, itinuro sa kanila ni Rocket ang ibang klase ng pagmamahal matapos na malaman ang kaniyang kondisyon.
"'Yung relationship namin ni Troy, parang, 'may ibibigay pa pala tayo.' Akala mo ito na yung best love. Hindi pa pala, so ang dami lang namin natutunan," sabi ng aktres.
Bukod kay Rocket, may dalawa pa silang anak na sina Hunter at John Maurie.—FRJ, GMA Integrated News