Muling mapapanood si Herlene Budol bilang palaban at matapang sa pagganap niya bilang si Pretty sa Kapuso action series na “Black Rider.”

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24Oras, nasulyapan ang ilang eksena sa unang araw ng taping ni Herlene sa Black Rider.

Bago nito, palaban at matapang din siya bilang si Gigi sa Kapuso afternoon series na “Magandang Dilag.”

“Ang dami kong mare-represent na mga kababaihan, may ipinaglalaban. Kawawa siya pero girl power pa rin,” sabi ni Herlene.

“Isa akong manikurista, may asawa, nagmamahal nang sobra pero hindi ibinabalik ang pagmamahal,” dagdag ng beauty queen.

Mapapanood pa rin ang tatak ni Herlene pagdating sa pagpapatawa, ngunit magpapasiklab din siya sa drama dahil sa kuwento ni Pretty.

“Masaya noong una pero parang may kurot ng huli. Hindi siya kurot, parang sinampal ka ng katotohanan sa huli. Parang ‘Oo nga ano?’ Hindi siya basta-basta kurot-kalabit,” sabi ni Herlene.

Isa rin si Herlene sa mga nag-abang sa pilot episode ng Black Rider, at humanga sa husay at galing ni Ruru Madrid sa action.

Hiling ng beauty queen na masubukan niya rin ang action.

“Excited po ako roon. Isa rin po ‘yun sa mga gusto ko rin talagang gampanan, ‘yung maging action star. Siyempre open po ako,” sabi ni Herlene. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News