Naghain ng cybercrime complaint ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) laban sa drag artist na si Pura Luka Vega dahil pa rin sa kontrobersiyal niyang pagtatanghal habang tinutugtog ang "Ama Namin" noong Hulyo.
Sa ulat ni Mao dela Cruz sa DZBB Super Radyo nitong Lunes, sinabing inihain ni Leo Alarte ng KSMBPI ang reklamo laban kay Pura, o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay, sa Pasay City Prosecutor's Office.
Kasama umano sa reklamo ang paglabag ni Pura sa Article 133 ng Philippine Constitution, patungkol sa "offending religious feelings," pati na ang paglabag sa Section 6 ng Article 201 of the Revised Penal Code kaugnay sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sinabi ng KSMBPI na ang reklamo ay patungkol sa ginawang pagtatanghal ni Pura na nakabihis na tila Nazareno habang tinutugtog ang “Ama Namin,” na inilarawan ng grupo na “pambabastos sa Panginoon.”
“Sinabi ng KSMBPI na labis silang nasaktan at inilarawan nilang pambabastos sa Panginoon ang ginawa ni Pura lalo na ang Pilipinas ay isang Kristiyanong bansa sa buong mundo,” ayon sa ulat ni Mao.
Matatandaan na iniresto kamakailan si Pura ng Manila Police District Station 3 sa Quiapo, Manila, kaugnay naman ng kasong inihain laban sa kaniya ng mga deboto ng Black Nazarene, Hijos del Nazareno.
Nakalaya naman si Pura matapos magpiyansa.
Nauna nang sinabi ni Pura na hindi niya intensyon na mambastos ng ibang relihiyon sa ginawa niyang pagtatanghal.— FRJ, GMA Integrated News