Inihayag ni Rodjun Cruz ang kaniyang “100%” na suporta kay Julie Anne San Jose para kay Rayver Cruz, matapos niyang makita kung gaano kamahal ng Asia’s Limitless Star ang kaniyang kapatid.

“Ako po Tito Boy para sa akin sobrang love ko si Ray. Kung sino po ang babae na nagmamahal sa kaniya, kung sino ang nagpapasaya sa kaniya, 100% ‘yung suporta ko, and nakita ko kung paano magmahal si Julie kay Rayver, sobra-sobra talaga,” sabi ni Rodjun sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

Ayon kay Rodjun, ganoon din magmahal si Rayver kay Julie.

“And si Rayver ganu’n din sa kaniya, parehas nilang nai-inspire ‘yung bawat isa, magka-jive sila pati sa family namin. Sobrang saya namin.”

Biro ni Rodjun, magiging ninong si Tito Boy sa kasal nina Rayver at Julie.

“In God’s time, naniniwala ako na kapag kinasal sila, mas lalo pa tayong magiging close kasi magiging ninong po kayo ni Rayver and Julie,” sabi ni Rodjun kay Tito Boy.

Sa pagbisita nina Julie at Rayver sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong nakaraang linggo, ibinahagi ng dalawa ang kanilang karanasan nang masaksihan ang gulo sa Israel matapos itong salakayin ng grupong Hamas.

Tinanong ni Tito Boy si Rayver na sa gitna ng kaguluhan, naisip kaya niyang mag-propose na kay Julie.

"Para sa akin, everything happens for a reason," sabi ni Rayver.

"Para sa akin, ‘yung glimmer of hope ko, ‘yung lakas ng loob, nanggagaling kay Julie. Iniisip ko, may reason kung bakit si Julie, magkasama kami sa Holy Land, and for me, mind body and soul, kasal na ko sa kaniya," pagpapatuloy niya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News