Iginiit ng aktor na si Ricardo Cepeda na modelo lang siya at wala siyang kaugnayan sa inirereklamong kompanya na umano'y sangkot sa panloloko o estafa.
“I was shocked because I wasn't aware na umabot sa may warrants ako. I had heard na may mga scandal, hindi ko alam na sinama nila ako,” pahayag ni Ricardo, o Richard Go sa tunay na buhay, sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
BASAHIN: Marina Benipayo, ipinagtanggol ang kaniyang partner na si Ricardo Cepeda laban sa mga maling akala
Inaresto si Ricardo nitong Sabado sa Caloocan sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte kaugnay sa kasong syndicated estafa na isinampa laban sa aktor sa iba pang suspek na pinaghahanap.
Hindi masabi ng CIDU-QCPD ang halagang sangkot sa estafa na inireklamo ng mahigit 40 katao, na nangyari sa Cagayan.
Iginiit ni Ricardo na modelo lamang siya ng mga produkto ng inirereklamong kompanya, tulad ng energy-saving gadgets.
“I am not connected at all sa company, even sa business registration my name is not there. Wala ako sa running business, anything of the company. Model lang ako about the products,” paliwanag ng aktor.
Maliban sa 43 counts ng syndicated estafa, meron pang ibang warrant of arrest si Ricardo dahil sa kasong bouncing check, at tatlong count ng paglabag sa RA 8799 o Securities Regulation Code.
Sinabi ni Ricardo na tiwala siyang mapapawalang-sala siya sa mga isinampang kaso laban sa kaniya.
“‘Yung ano ko lang is the wasted time that I can’t do anything, I cannot work, I cannot because I’m here trying to prove my innocence,” sabi ni Ricardo na nananatiling nakadetine dahil walang piyansa para sa kinakaharap niyang kaso.
Ayon kay Police Major Dondon Llapitan, CIDU Chief ng QCPD, may dinadaluhang event ang aktor nang arestuhin nila ito sa Caloocan.
“Nagulat din po siya noong sinilbihan natin siya ng warrant of arrest. Magko-conduct po siya ng ribbon cutting sa area, inaresto natin siya bago pa lang mag-ribbon cutting,” sabi ni Llapitan.
Sa isang Tiktok video, sinabi ng partner ni Ricardo na si Marina Benipayo na hindi nasangkot ang kaniyang asawa sa anumang investment kahit kailan.
Dagdag niya, maghinay-hinay ang iba sa pagbibigay ng mga komento.
“Magpo-post kayo tapos hayaan niyo lang pagpiyestahan ng mga tao. Hindi yata tama ‘yon eh. I would never, ever, ever wish that anything like that would happen sa inyo, kahit hindi ko kayo kilala. All we need really now are prayers,” sabi ni Marina. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News