Hiningan ng komento si Alden Richards sa ginawang pag-amin ni Mikee Quintos na nagkagusto sa kaniya noon ang dalaga habang may ginagawa silang TV series.

Ginawa ni Mikee ang pag-amin nang maging guest siya sa "Fast Talk With Boy Abunda" noong nakaraang linggo.

Ngayon Lunes, si Alden naman ang bisita sa naturang programa at hiningan ng komento ang binata tungkol sa nasabing pahayag ni Mikee.

"Ngayon ko lang po siya narinig. Actually nagulat po ako, " ayon kay Alden.  
Sinabi ng aktor na malapit sila ni Mikee at Mikoy Morales habang ginagawa nila ang TV series na "The Gift" noong 2019.

"Ako po kasi ang understanding ko at the context of friendship," paliwanag niya sa closeness nila.

Kinumpirma rin ni Alden ang sabi ni Mikee na nananatili silang mabuting magkaibigan hanggang ngayon.

Una rito, sinabi ni Mikee na nahulog ang loob niya kay Alden nang makilala niya ang pagkatao nito na sweet at may takot sa Diyos.

"Nakilala ko 'yung pagkatao niya, 'yung sweet siya, na mabait siya, kung gaano ka-genuine, sobrang God-fearing," anang aktres.

"And I just had to try to express whatever I was feeling. I couldn't explain it," dagdag niya.

Kasalukuyang in a relationship si Mikee kay Paul Salas, habang nananatiling single naman si Alden.

Sa naturang panayam, inamin ni Alden na nagkagusto siya kay  Pia Wurtzbach, at nahulog ang loob niya noon kay Maine Mendoza.

Samantala, bibida si Alden sa upcoming film na "Five Break-Ups and a Romance," kasama Julia Montes, na unang pagkakataon niyang makakatrabaho.

Sa panulat at direksyon ni Irene Villamor, mapapanood ang "Five Break-Ups and a Romance" sa mga sinehan simula sa October 18. —FRJ, GMA Integrated News