Tinutoo ng isang bata sa Massachusetts sa Amerika ang sinabi nito sa kaniyang kapitbahay na kukunin niya ang alaga nitong aso na Husky at papalitan niya ng stuff toy na aso.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na nagpapahinga ang asong si "Gunnar," sa bakuran ng kaniyang fur mom na si Amanda Sullivan.

Ilang saglit lang, dumating na ang batang si Olivia na may bitbit na collar at stuff toy na aso.

Wala namang nakitang pag-alma kay Gunnar nang lumapit sa kaniya si Olivia at pinalitan ang kaniyang collar.

Inilagay din ni Olivia at iniwan sa puwesto ni Gunnar ang bitbit nitong stuff toy.

Maya-maya pa, inaya ni Olivia si Gunnar na sumama sa kaniya. Sa umpisa, may pag-aalinlangan pa si Gunnar na sumama at tila hinihintay ang kaniyang amo na payagan siya.

Pero nang walang lumabas na amo, sumama na rin si Gunnar sa bata.

Ang lahat ng pangyayari, nakikita pala ni Amanda sa CCTV camera at hinayaan lang niyang gawin ni Olivia ang plano nito.

Napag-alaman na magkakilala talaga at magkalaro sina Olivia at Gunner.

Pero dati na rin daw sinabi ni Olivia kay Amanda na kukunin nito si Gunner at papalitan niya ng stuff toy.

Hindi raw naniniwala noon si Amanda hanggang sa totohanin ni Olivia ang sinabi.

"When I got an alert from my backyard camera and saw what she was doing, I thought I'd let her play out," ani Amanda.

Nangingiti si Olivia nang puntahan siya ni Amanda at tanungin kung kinuha niya si Gunner at pinalitan ang collar.

Ayon kay Amanda, hindi naman siya nag-alala sa ginawa ni Olivia dahil nakikita niya na laging magkalaro ang dalawa.--FRJ, GMA Integrated News