Umiiling ang ilang motorista sa plano na magpatupad ng 100% cashless transaction sa mga expressway sa bansa.
Kasunod ito ng ipinapatupad na dry run simula ngayong araw sa Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX).
Obligado na kasi ang mga sasakyan na dadaan dito na magpakabit ng Radio Frequency Identification (RFID) sticker.
Para sa taxi driver na si Christopher, mabigat sa bulsa ang bayad sa pagpapakabit ng RFID.
Kahit kasi consumable ito, nakadepende lang daw sa kanyang magiging pasahero kung dadaan siya ng expressway.
“Paano kung wala pa kaming kita? Buti sana kung sasagutin 'yun ng operator namin. Eh hindi,” aniya.
Para naman sa motoristang si Mang Carlos, dapat may cash lane pa rin para sa mga kagaya niya na bibihira lang dumaan sa expressway.
"Sana 'wag na ho patupad 'yun, kasi kung bihira ka lang naman pupunta do'n, sayang naman 'yung pera mo... Dapat meron din na cash 'pag bihira, kung pupunta ka lang. Eh kung du'n ka talaga nakatira, puwede. Puwede kang kumuha pang-araw-araw mo," aniya.
Ayon sa CAVITEX, sa ilalim ng dry run, bawat motoristang walang RFID sticker na dadaan sa Parañaque at Kawit toll plaza ay kakabitan na nito.
Pero oras na matapos ang dry run at wala pang RFID sticker ang isang sasakyan, agad siyan magmumulta ng P1,000 para sa first offense, P2,000 para sa second offense, at P5,000 para sa subsequent offenses.
Ganyan din ang multa para sa mga gagamit ng tampered o pekeng RFID device.
Kapag may RFID sticker ang isang sasakyan pero kulang naman ang balanse, pagmumultahin ng P500 para sa unang offense, P1,000 para sa palawang offense, at P2,500 naman para sa subsequent offenses.
Hindi pa malinaw kung hanggang kailan tatagal ang dry run sa CAVITEX.
Ipinagpaliban naman ng Department of Transportation sa Oktubre 1 ang pagpapatupad ng implementasyon ng revised guidelines para sa toll expressways.
Sa ilalim ng naturang guidelines, magkakaroon ng fine ang mga motoristang dadaan sa mga tollway at walang RFID o kaya ay may RFID ngunit kulang ang balanse. —KG, GMA Integrated News