Mabilis na sumagot ng "Opo," si Alden Richards nang tanungin sa "Fast Talk with Boy Abunda" kung nagkagusto siya noon kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. Inilahad din ng aktor ang mga dahilan kung bakit siya nagkagusto sa beauty queen.

Sa episode ng naturang programa ni Tito Boy nitong Lunes, sinabi ng Asia's Multimedia Star na "from afar" ang pagtingin niya noon kay Pia.

Hindi rin niya ipinaalam sa beauty queen ang kaniyang naramdaman noon.

"Sa 'Eat Bulaga,' best friends sila ni Pauleen Luna eh, so every now and then, si Pia would go there to say hi to Pauleen," kuwento ni Alden kung papaano niya nakikita si Pia.

"Nakikita ko siya na hindi naka-glam, 'yung puso [niya] mabuti, and then after she won [Miss Universe], parang grabe," patuloy ni Alden.

Sa kabila ng nakamit na tagumpay ni Pia, sinabi ni Alden na nananatiling mapagpakumbaba ang beauty queen.

"I can attest that she has remained the same," saad ni Alden.

Ikinasal na si Pia kay Jeremy Jauncey  nitong nakaraang Mayo.

Sa naturang episode, inamin din ni Alden na nahulog din ang loob niya sa dati niyang ka-love team sa AlDub na si Maine Mendoza.—FRJ, GMA Integrated News