Itinuturing ng drag artist at impersonator ni Taylor Swift na si Mac Coronel, aka Taylor Sheesh, na isang uri ng sining ang drag na puwede sa lahat at hindi lang para sa mga beki.
Sa panayam kamakailan ni Dra. Anna Tuazon, host ng "Share Ko Lang," sinabi ni Mac na madalas na sinasabi na pang beki lang ang drag kung saan nagdadamit at nagme-make-up ng babae ang artist para magtanghal sa entablado at magpasaya.
"Pero most of the times, actually anyone can do drag talaga. So kahit straight ka, trans, kahit sino po talaga. Parang open to all," saad ni Mac na higit na kilala sa paggaya kay Taylor Swift bilang si Taylor Sheesh.
"Drag po talaga is an art form. Kasi minsan hindi lang dahil sa painting [o drawing]," ayon kay Mac patungkol sa paraan ng paglalabas ng emosyon sa obra.
BASAHIN: Taylor Swift impersonator na si Taylor Sheesh, 'di makapaniwala na sikat na siya
"Parang ilalabas mo 'yung emotions mo or through your performance po na parang minsan abstract 'yung style ng performance mo. Minsan interpretative, minsan nadadaan n'yo po talaga. Minsan po talaga sa emotions, pati 'yung sa mga galaw, sa damit. Minsan magko-connect-connect po talaga 'yun," paliwanag niya.
Naniniwala naman si Dra. Tuazon sa pagturing sa drag bilang sining na dapat bigyan ng pagkakataon ng publiko.
Ayon kay Mac, mga babae at beki ang madalas na nanonood ng drag show. Kapag may mga "straight" at unang beses na nakapanood, gumagawa sila ng paraan para ipaliwanag kung ano ang kanilang ginagawang pagtatanghal.
Sinabi rin ni Mac na hindi dapat masamain kung makapanood ng drag show ang mga kabataan dahil paraan ito upang maipakilala sa kanila ang naturang sining.
"Parang inisip nila kapag nag-perform sa harapan ng mga bata o anak nila, magkakaroon sila ng idea na maging bakla sila or maging lesbian. Parang ganun po which is bawal naman po talaga 'yon dapat," ani Mac.
"Actually [kung] may bata, mas prefer ko 'yon para at least, bata pa lang, open na sila kung ano 'yung drag, ano 'yung art, 'yung hindi dapat katakutan," patuloy niya.
Pero ayon kay Mac, kailangan pa rin na alamin ng isang drag performer ang mga nanonood sa kaniya para maipaliwanag na nais lang nilang magpasaya at hindi para mambastos dahil sadyang mayroon umano na iba na hindi makakaunawa sa drag.
"Kailangan mong explain rin kahit papaano through your performance na 'Ah, ito 'yung ginagawa ni Mac na nagbibigay-saya, nagpapatawa siya, nagpe-perform siya as Taylor [Swift]. So kailangan 'yung parang i- represent mo sa brand mo kahit papaano," patuloy niya.
Kahit ngayon pa lang nakikilala ng marami si Mac bilang drag artist na impersonator ni Taylor Swift, sinabi niya na nagsimula siyang magtanghal noon pang 2017. -- FRJ, GMA Integrated News