Inihayag ni Dennis Trillo na ginaganahan siya na gumawa ng mga kuwelang Tiktok videos kapag nakikita niyang marami siyang napapasaya--pati na ang kaniyang sarili.
“Nakakatuwa. Natatawa rin ako sa mga pinaggagagawa ko sa totoo lang. And most especially, nakakatuwa ‘yung kapag nakikita ko ‘yung reaksyon ng mga tao at comments nila. Kaya mas ginaganahan ako lagi na mag-upload kasi nga masarap din ‘yung feeling na marami kang napapatawa,” sabi ni Dennis sa panayam ng showbiz press sa Kapuso Showbiz News.
Ayon kay Dennis, masaya siya na nakapaghahatid siya ng tuwa sa mga tao.
“Minsan nababasa ko ‘yung comments, ‘Ang lungkot ko kanina tapos nakita ko ‘to’ ‘Muntik kong maibuga ‘yung iniinom ko,’ ‘yung mga ganu’n ba,” anang Kapuso Drama King.
Dahil dito, hindi raw maiwasan ng netizens na magulat na ipinakikita rin ni Dennis ang kaniyang kuwelang side.
“Nakaka-enjoy lang, nakakasaya rin ng araw pagka ginagawa mo ‘yun, pagka nakita mong maraming natutuwa sa ginagawa mo. Nakakatulong din ‘yun sa akin para maging masayahin."
Nang tanungin kung paano pinaplano ni Dennis ang kaniyang mga content, “Kung ano lang ang maisipan ko” ang kaniyang natatawang sagot.
“Minsan titingnan ko ‘yung mga post ng ibang bata, ano ‘yung uso. Karamihan mga bata talaga ‘yung gumagamit ng Tiktok, bihira ‘yung mga matatanda. Meron pero mas lamang talaga ‘yung mga Gen Z.”
Noong hindi pa siya gumagawa ng kaniyang Tiktok videos, sa mga piling tao lang ipinakikita ni Dennis ang kaniyang kuwelang side.
“Kay Jen (Jennylyn Mercado), mga kaibigan, pili lang. Masaya rin na kahit paano nailalabas ko rin… Kaya ngayon lang ako gumawa ng account, kasi hindi ko talaga personality ‘yung ipakita sa maraming tao,” sabi niya.
Kaya naman ngayon, maging si Dennis ay paulit-ulit na pinanonood ang kaniyang viral videos.
“Paminsan ako ‘yung paulit-ulit na nanonood sa ginagawa ko tapos napapailing na lang ako. Okay naman, kung makakapagpasaya siya ng iba ishe-share ko na lang.”
Nag-viral kamakailan ang entry niya ng “Ba't malungkot ang beshy ko.”
@dennistrilloph Lungkot ka besh? Try ko mag split wait lang… #fyp #foryourpage #goodvibesonly ? original sound - Garry Corpuz Domingo - Boss G Capital
Sinubukan din ni Dennis ang age filter, at nagbirong hindi siya si Ned Armstrong, kundi si Den Armstrong.
Pinusuan din ng daan-daang netizens ang pagkasa niya sa Price Tag challenge, kung saan ipinakita ni Dennis ang kaniyang killer moves. --FRJ, GMA Integrated News