Nagpayo si Dominic Ochoa sa mga batang artista na ugaliing magpasalamat sa mga proyektong kanilang natatanggap.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, inihayag ni Dominic na posibleng malihis ang isang aktor o aktres sa paghahangad pa ng maraming proyekto sa kabila ng pagiging isa nang magaling na artista.
“‘Yun ang sinasabi ko sa mga kabataan when I get to talk to them. Once pumasok sa ulo niyo ‘yun, ‘yun ang kakain sa inyo nang buhay. Of course paminsan you tend to compare, but you just have to be thankful,” sabi ni Dominic.
Ayon kay Dominic, kailangang may “gratitude” ang sinomang gustong tumagal sa showbiz industry.
“Tapos pangalawa, kung tutuusin, may mas nangangailangan pa sa iyo sa ibaba,” dagdag ng Abot-Kamay na Pangarap actor.
“Ipagpasalamat mo ito, ‘yung magbibilang ka, ‘Bakit parang ang konti ng taping ko?’ Pero mas marami ang walang taping,” sabi pa niya.
Mahalaga rin na ugaliing bilangin ang mga biyaya na natatanggap sa buhay.
“Doon ka mas makakapagpasalamat,” sabi ni Dominic, na higit dalawang dekada na sa showbiz industry.
Gumaganap si Dominic sa Abot-Kamay na Pangarap bilang si Michael Lobrin, ang lalaking umiibig kay Lyneth, ginagampanan ni Carmina Villarroel, at tumatayong pangalawang ama ng batang doktor na si Dra. Analyn (Jillian Ward). — VBL, GMA Integrated News