Inihayag ni Allen Dizon na minsan na rin siyang naligaw sa kaniyang buhay may-asawa, ngunit bumawi sa kaniyang misis at isinalba ang kanilang relasyon.

Sa ''Fast Talk with Boy Abunda'' nitong Biyernes, sinabi ni Allen na high school sweetheart niya ang kaniyang asawang si Crystle.

“Ako kasi Tito Boy ‘yung wife ko, high school pa kami, siya na ‘yung gusto kong mapangasawa and gusto kong makasama habambuhay. So noong nag-showbiz ako, kami na,” kuwento ni Allen.

“So kahit nagkakaroon ako ng maraming magagandang [nakikita], maraming gustong ligawan, pero meron nang nanalo sa puso ko eh, kumbaga ito na ‘yung pakakasalan ko,” pagpapatuloy ng “Abot-Kamay Na Pangarap” actor.

Inamin ni Allen na hindi maiiwasan ang mga away sa kanilang relasyon.

“Nag-away kami. Tsaka siyempre lalaki tayo, marami nang time na pagkakamali. Pero in-admit ko rin naman ‘yung pagkakamali ko.”

Sa kabila nito, hindi pumasok sa isip ni Allen na makipaghiwalay sa kaniyang asawa, at alang alang na rin sa kanilang mga anak.

“Never pumasok sa isip ko na makipaghiwalay ako rito dahil mahal ko ito at kailangan kong bawiin ang mga pagkakamali ko. May mga anak kami eh, so ayokong magkaroon ng broken family ang mga anak ko.”

Sinabi ni Allen na minsan siyang naligaw ng landas, ngunit hindi niya sinukuan ang kanilang relasyon.

“Oo naman, naligaw din ako, pero hindi ako pinanghinaan ng loob, kumbaga ‘yung tempation na maraming dumarating nakontrol ko and kailangan kong i-save ‘yung relationship namin. Kailangan kong i-save ito dahil walang makaka-save nito kundi ako at siya rin.” — VBL, GMA Integrated News