Isa sa mga paboritong OPM hits ng mga Pinoy ang "Kung Tayo’y Magkakalayo." Pero ang nasa likod ng kantang ito na si Rey Valera, inamin na may pagsisisi siya na ginawa niya ang naturang awitin.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, inihayag ni Rey na sa mahigit 100 kanta na kaniyang nagawa, mayroon siyang pinagsisihan na nagawa.
Kabilang nga ang "Kung Tayo'y Magkakalayo."
“Kasi kapag mayroong lumalapit sa 'kin na, ‘Ay alam mo, paborito namin yung kanta mong ‘Kung Tayo’y Magkakalayo.’ Sabi ko, ‘ano, nagkahiwalay kayo?’ ‘Oo, sir,’” saad niya
“Di 'ba, imagine mo ang dami mo palang nasirang relasyon,” patuloy niya.
Napagtanto umano ni Rey kung gaano katindi ang epekto ng awitin sa buhay ng mga tao.
“Kasi na-realize ko lately na lang siyempre, medyo matanda-tanda na tayo, ang kanta ay nakakaapekto sa psyche at sa pananaw natin sa buhay. Kaya parang nai-internalize natin, kaya minsan nai-a-act out natin yung kanta,” paliwanag niya.
Bahagi ng madamdaming awitin ang linyang, “Aking nadarama/Pagsasama nati'y 'di magtatagal/Kaylaki ng hadlang/Sa ating pag-ibig.” — FRJ, GMA Integrated News