Sa Facebook post, inihayag ni Wilbert Tolentino na matapos ang mahigit isang taon nilang samahan, nagbibitiw na siya bilang talent manager ng "Magandang Dilag" star na si Herlene Budol.
Ayon kay Wilbert, epektibo ang pagbibitiw niya bilang manager ni Herlene simula sa katapusan ng Hulyo.
Mahirap man ang kaniyang naging desisyon, sinabi ni Wilbert na kailangan niya itong gawin para matutukan ang kaniyang kalusugan at magkaroon ng oras sa kaniyang anak.
"Halos matagal ko din pinag-isipan. Subalit kailangan ko nang pagtuunan ng pansin ang aking kalusugan, at bigyan oras ang aking anak dahil una sa lahat tumatanda na si KaFreshness, at higit akong kailangan niya lalo't lumalaki na siya," anang manager.
Proud naman si Wilbert sa kaniyang mga naitulong kay Herlene, gaya nang mga napanalunan ng Kapuso star sa mga sinalihan nitong beauty pageant.
Naging first runner-up si Herlene sa Binibining Pilipinas 2022, at itinanghal na Miss Philippines Tourism 2023 sa katatapos lang na Miss Grand Philippines 2023.
"Di lingid sa lahat, na bilang Talent Manager, ito ay ubos-oras na tungkulin. Kulang ang bente kwatrong oras sa isang araw para sa sarili kong buhay. Walang kapantay ang bawat hamon na aking naranasan, matupad lamang ang aking mga sinumpaang tungkulin para kay Herlene," ayon kay Wilbert.
Masaya rin si Wilbert dahil natulungan si Herlene na makamit ang mga pangarap nito sa buhay gaya ng pagkakaroon ng bagong bahay, sasakyan, negosyo, at mga proyekto.
Tiwala siya na kahit hindi na siya ang mag-aalaga sa career ni Herlene, malayo pa rin ang mararating ng dating binansagang "Hipon Girl."
"Sana lang isapuso niya ang core value na itinuro ko sa kanya na commitment, professionalism and gratitude. I am very optimistic na lalago pa ang karera nya and more endorsement, tv shows and movies to come!," ani Wilbert na nagpasalamat din sa mga kumpanyang nagtiwala sa kanila ni Herlene. --FRJ, GMA Integrated News