Asahan umano ang malaking sorpresa sa unang paglabas ng "It's Showtime" sa GTV ng GMA sa Sabado, July 1, 2023. Ang host ng noontime show na si Vice Ganda, inihayag na may inihahanda sila.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ni Tito Boy na nagbigay ng kaunting impormasyon ang ABS-CBN executive na si Lauren Dyogi tungkol sa kung ano ang dapat asahan ng mga manonood ng "It's Showtime" sa Sabado sa bago nitong tahanan.
"Sabi ni Lauren, sa 'It's Showtime'—I am so excited about this—magsasama daw po ang mga Kapuso stars at mga Kapamilya stars," saad ng King of Talk.
Nitong Miyerkoles, pormal nang isinara ang kasunduan sa pamamagitan ng contract signing kaugnay sa pag-ere ng "It's Showtime" ng ABS-CBN sa GTV Channel 27 ng GMA Network.
Sa contract signing, sinabi ni GMA Network chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, na tapos na ang sinasabing "TV o network war."
"Sa tingin ko sa darating na panahon mayroon pang magiging collaboration between GMA and ABS that will be mutually beneficial and rewarding for both of us," ani Atty. Gozon.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Vice Ganda na may inihahanda silang sorpresa para sa mga manonood na Madlang Pipol.
"'Yung mga preparations ng 'Showtime,' just like the other opening numbers na ginagawa namin kapag may major event sa 'Showtime,' hindi naman namin sinasayang 'yung pag-ere namin," ani Vice.
"Siyempre knowing me ayoko naman ng puchu-puchu," dagdag niya.
Sinabi naman ni Anne Curtis, na maghahandog siya ng awitin sa Sabado.
"I'm going to prepare my singing voice," natatawang sabi ni Anne. "I'm just very excited for July 1, it's going to be remarkable and memorable and historical moment."
Mapapanood simula sa Sabado ang "It's Showtime" sa GTV sa ganap na 11:30 am, at matutunghayan ito mula Lunes hanggang Sabado pagsapit ng tanghali.—FRJ, GMA Integrated News