Sa kabila ng mga kritisismo na natatanggap ni Paolo Contis, inilahad nina Boobay at Tekla kung papaano sila tinulungan ng "Eat Bulaga" host na hindi nabalita o ipinost sa social media noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," naging guest nila sa unang pagkakataon si Paolo na isinalang nila sa segment na, "Ang Hars."

Sa naturang segment, binasa ni Paolo ang mga komento ng ilang bashers niya.

Ayon sa aktor, hindi niya pinapansin ang mga basher dahil hindi naman niya kilala ang mga ito, at hindi rin naman siya personal na kilala.

Gayunman, aminado si Paolo na dinadamdam niya kapag galing sa kaibigan ang puna sa kaniya. Inilalagay daw niya ito sa puso at isip niya para mapabuti ang kaniyang sarili.

Bago matapos ang naturang segment, inilahad ni Boobay na noong panahon na hindi makalabas ang lahat ng tao dahil sa pandemic, dinalhan sila mismo ni Paolo ng makakain sa kaniyang condo.

"Alam ko ayaw ni Paolo na i-share ko 'to pero gusto na ring i-share sa inyo. Alam niyo ba noong panahon ng pandemic hindi tayo makalabas-labas lahat, wala kaming makain sa condo si Paolo Contis personal pong pumunta doon sa condo binigyan niya kami ng pagkain," kuwento ni Boobay

"Grabe, salamat friend, thank you," sabi pa ni Boobay kay Paolo na mayroon umanong mabuting puso.

Matapos nito, natatawa namang sinabi ni Tekla na pinautang siya ni Paolo noong panahon din ng pandemic.

Hindi tuloy malaman ni Boobay kung seryoso si Tekla o hindi sa kaniyang sinabi.

"Totoo 'yan? Sa'yo utang ako pagkain lang," sabi ni Boobay kay Tekla.

Ayon kay Tekla, ibinili rin naman niya ng pagkain ang inutang niya kay Paolo na natatawa rin sa ginawang paglalahad ng dalawa.

"Actually nakalimutan ko na. Bayad ka na ba?," natatawang tanong ni Paolo kay Tekla.

"Napaalala ko pa," sabi naman ni Tekla.

Ayon kay Paolo, hindi niya ikinuwento o ipino-post ang mga ginagawa niyang pagtulong dahil hindi naman niya intensyon gamitin iyon para ipagmalaki.

"Nasa mundo tayo na kapag hindi mo pinost [post] hindi nangyari. Hindi ba ganun mga tao ngayon," anang aktor.

"Ako never kong pinost 'yan, sila nagkuwento. Kasi hindi ko naman 'yon ginagawa para ipagmalaki. Ginawa ko 'yon dahil kaibigan ko kayo, 'yon ang importante sa akin," ayon pa kay Paolo. --FRJ, GMA Integrated News